November 5, 2024

DUTERTE SINIPA BILANG CHAIRMAN NG PDP-LABAN (Papalitan ni Pimentel)


Pinatalsik ng paksyon ni Sen. Manny Pacquiao si Pangulong Rodrigo Duterte bilang chairman ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), matapos maghalal ng mga bagong opisyal ngayong araw.

Papalitan si Duterte ni Senator Aquilino Pimentel III bilang party chairman ng PDP-Laban.

Opisyal ding iniluklok ng partido si Senator Manny Pacquiao bilang presidente nito.

Kabilang din sa mga naihalal na opisyales ay sina dating Senate secretary Lutgardo Barbo bilang vice chairman at House Deputy Speaker at Negros Oriental 3rd District Representative Arnie Teves bilang secretary-general.

Samantala, matatandaang noong Hulyo 17 ay nagdaos ng national assembly ang paksyon naman ni Energy Secretary Alfonso Cusi kung saan siya ang nahalal na party president kapalit ni Senador Manny Pacquiao. May basbas ni Duterte ang naturang assembly.

Sa kabila noon, hindi kinilala nila Pimentel at ng ilan pang miyembro ng PDP-Laban ang desisyon ng pangulo kaya’t nahati sa dalawang paksyon ang partido.

Sa ngayon, ang paksyon nila Cusi ay iniindorso ang tambalang Bong Go-Duterte sa 2022, habang sinabi naman ni Pimentel na inonomina nila bilang presidential candidate si Pacquiao. Nakatakda namang dumating sa bansa si Pacquiao bukas galing sa US.