December 25, 2024

DUTERTE NANGUNA SA KANYANG LAST INDEPENDENCE DAY

PINANGUNAHAN  ni Pangulong Rodrigo Duterte, araw ng Linggo ang ika-124 Araw ng Kalayaan sa Rizal Park, Lungsod ng Maynila.

Ito na ang huling pagdiriwang na dadaluhan ni Pangulong Duterte bilang Pangulo ng bansa at kauna-unahan namang pagdalo sa paggunita ng Araw ng Kalayaan sa Rizal Park.

Papalitan siya ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30.

Sa nasabing okasyon, nagpartisipa si Pangulong Duterte sa flag-raising ceremony at wreath-laying ceremonies  kasama ang iba niyang opisyal ng gabinete.

Sinaksihan din nito ang napakabilis na pagdaan ng FA-50PH jet fighters,  na ginamit sa combat air operations noong panahon ng  2017 battle sa  liberate Marawi City mula sa kontrol ng  Maute-ISIS Group terrorists noong  2017.

HIndi naman nagbigay ng kanyang talumpati ang Chief Executive subalit nagpalabas naman siya ng kanyang opisyal na mensahe sa pamamagitan ng kanyang tanggapan, ang Office of the President (OP).

Sa naging mensahe ng Punong Ehekutibo, kinilala nito ang aral na natutunan mula sa nakaraan, pinaalalahanan ang mga filipino na bigyan ng halaga ang kasalukuyan.

“The shared narrative that we have weaved throughout history has never ceased in teaching us what values to hold and which lessons to remember. While we draw strength from learning our past, we must continue believing that there is still wisdom to be gained from our present choices, decisions and actions so we can shape a better future for our people,” ayon sa Pangulo.

Binigyang-diin din ni Pangulong Duterte  na sa nation-building, nandiyan ang kalayaan upang ang mga tao ay maging  “wiser and not to prove that we are always right or better.”

“Even in exercising our most cherished freedoms, our differences can move us to engage in healthy yet meaningful discourse without sowing hatred and division, as well as push our country towards the right direction,” dagdag na pahayag nito.

Muli namang nanawagan ang Pangulo sa mga filipino na magkapit-bisig at magtulungan para sa kapakinabangan ng bansa at mamamayan.

“In the spirit of patriotism and love of the motherland exemplified by those who came before us, let us come together in unity for the glory and triumph of the Filipino nation,” ani Pangulong Duterte.

Sa kabilang dako, matapos ang  flag raising at wreath-laying ceremonies, nanatili naman si Pangulong  Duterte at nakipag-usap sa mga miyembro ng diplomatic corps na  tumagal ng 45 minuto.

Nilapitan din nito at binati ang mga audience at iba pang nagpartisipa sa nasabing event kabilang na ang mga miyembro ng  Boy Scout of the Philippines.

Samantala, para sa pagdiriwang ngayon taon ng Araw ng Kalayaan, may tema itong “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas”.

Iba’t  ibang opisyal ng gobyerno ang sabay-sabay na nanguna sa  flag raising at  wreath-laying rites na isinagawa sa iba’t ibang  historical landmarks sa buong bansa.

Ang Independence Day o Araw ng Kalayaan ay  deklaradong regular holiday ng pamahalaan sa ilalim ng Proclamation 1236.