January 26, 2025

Duterte gumawa ng ‘pangunahing hakbang’ tungo sa paggamit ng nuclear energy

IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng isang inter-agency task committee magsagawa ng pag-aaral kaugnay sa paggamit ng nuclear energy para magkaroon ng matatag na power supply sa bansa dahil sa tumataas na demand rito bunsod ng lumalaking populasyon at ekonomiya.

Nakapaloob sa Executive Order 116 ang paglikha ng Nuclear Energy Program Inter-Agency Committee na pamumunuan ng Department of Energy (DOE) kasama ang Department of Science and Technology (DOST) bilang vice chairperson.

Magiging miyembro rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Finance (DOF), Department of Foreign Affairs (DFA), National Economic and Development Authority (NEDA), National Power Corporation (NAPOCOR), National Transmission Corporation, Philippine Nuclear Research Institute at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOLCS).

Naatasan ang komite na magsagawa ng evaluation at assessment para sa posibleng paggamit na rin ng nuclear power maliban sa hydro-power, coal power at solar power na kinukulang na para matustusan ang pangangailangan ng bansa lalo ang mga dumaraming industriya.

Kailangan daw maikonsidera sa pag-aaral ang economic, security and environmental implications at kailangang makonsulta ang publiko at mga stakeholders.

Inaatasan din ni Pangulong Duterte ang komite na bumuo ng roadmap at timeline sa preparasyon ng Nuclear Energy Program, paraan para matugunan ang infrastructure gaps at magrekomenda ng kinakailangang hakbang para magamit ang mga naitayo ng pasilidad gaya ng ipinasarang Bataan Nuclear Power Plant.

Binibigyan ang komite ng anim na buwan para magsumite ng initial report sa Office of the President (OP) at kada anim na buwan na ang mga susunod na reports.

Epektibo agad ang nasabing EO.

“The experience of a number of countries has shown that nuclear power can be a reliable, cost-competitive and environment-friendly energy source,” bahagi ng EO 116.