June 1, 2025

DTI naglabas ng price guide sa presyo ng school supplies

MANILA — Bilang paghahanda sa nalalapit na pasukan sa Hunyo, inilabas ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Biyernes ang opisyal na 2025 Gabay sa Presyo ng School Supplies, kung saan inanunsyo ang pagbaba ng presyo ng ilang pangunahing gamit-pang-eskwela.

Ayon sa DTI, saklaw ng price guide ngayong taon ang 195 stock keeping units (SKUs) mula sa 12 kategorya ng produkto, at 29 items dito ang bumaba ang presyo kung ikukumpara sa nakaraang taon.

“May bawas-presyo na mula P1.00 hanggang P10.00 sa ilang gamit, kaya mas abot-kaya ito para sa mga magulang at estudyante,” ayon sa pahayag ng ahensya.

Mga Presyong Bumaba:

  • Notebook – bumaba ng P5.00 hanggang P10.00
    → Bagong presyo: P15.00 – P52.00
  • Pad paper – bumaba ng P1.00 hanggang P6.00
    → Bagong presyo: P15.00 – P48.75
  • Lapis (pencil) – mas mura na ng P5.00
    → Bagong presyo: P11.00 – P24.00

Mga Presyong Nanatili:

  • Ballpen – P3.00 – P33.00
  • Sharpener – P15.00 – P69.00
  • Eraser – P4.50 – P20.00

Iba Pang Gamit:

  • Crayons – P12.00 – P114.00 (depende sa laki ng kahon)
  • Ruler – P16.00 – P39.00

Nagpaalala rin ang DTI sa publiko na maging mapanuri sa pagbili ng school supplies. Dapat anilang tiyakin na tama ang label at bilang ng mga pahina ng notebooks at pad papers.

Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, layon ng gabay sa presyo na tiyaking may pantay na oportunidad ang bawat batang Pilipino sa pagpasok sa paaralan.

“Bawat sentimo ay mahalaga para sa pamilyang Pilipino, lalo na sa panahon ng balik-eskwela. Sa ilalim ng administrasyong ito, sinisigurado naming walang learner ang maiiwan,” ani Roque.

Dagdag pa niya, ang gabay na ito ay simbolo ng pagtutulungan ng gobyerno at mga pamilya upang maiparamdam na hindi sila nag-iisa sa kanilang paghahanda para sa edukasyon.

Maaaring ma-access ang kumpletong listahan ng presyo sa opisyal na website ng DTI at sa kanilang social media pages.