Ipinagdiriwang ngayong Martes at Miyerkules ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ika-17 anibersaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) — ang pangunahing programa ng pamahalaan sa pagbabawas ng kahirapan at pagbibigay ng proteksyong panlipunan sa mga mahihirap na pamilya sa bansa.
May temang “Labing Pitong Taon ng Pagpupunla: 4Ps, Yumayabong na Pamilya at Pamayanan”, layunin ng pagdiriwang na kilalanin ang mga tagumpay ng programa sa pagtutulak ng mas maayos na kalidad ng buhay para sa mga benepisyaryo at sa pagsulong ng kanilang pagiging self-sufficient o hindi na umaasa sa ayuda ng gobyerno.
Ayon kay Gemma B. Gabuya, Director IV at 4Ps National Program Manager, mula nang ilunsad ito noong 2008 at maisabatas sa ilalim ng Republic Act No. 11310 noong 2019, malaking pagbabago na ang naidulot ng 4Ps sa milyun-milyong Pilipino.
“Mula noon hanggang ngayon, layunin ng 4Ps na putulin ang siklo ng kahirapan sa mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng edukasyon, kalusugan, at kaalaman,” ani Gabuya.
Sa pinakahuling datos, umaabot na sa 3,905,641 ang kabuuang bilang ng aktibong household beneficiaries ng programa sa buong bansa.
Binuksan ang selebrasyon sa pamamagitan ng isang dayalogo na pinamagatang “Dicisiete: Dayalogo tungkol sa Pagtataya at Pagtataguyod ng Pantawid Pamilya,” kung saan pinagtutuunan ang ebalwasyon sa pitong taong limitasyon sa pagiging benepisyaryo ng programa.
Kabilang sa mga dumalo ay mga kinatawan mula sa pambansa at lokal na pamahalaan, stakeholders, at piling mga benepisyaryo na magbabahagi ng kanilang karanasan sa ilalim ng 4Ps.
Tatalakayin din sa dalawang araw na aktibidad ang transition mechanisms para sa mga pamilyang “graduating” na mula sa programa, gayundin ang pagpapatibay ng ugnayan sa National Advisory Council (NAC), National Technical Working Group (NTWG), at iba pang katuwang na ahensya.
Sa ika-2 araw ng selebrasyon sa Agosto 6, gaganapin ang “Pagdiriwang ng Pag-unlad ng Pantawid sa loob ng Labing Pitong Taon”, bilang pagkilala sa dedikasyon ng mga field implementers, partner organizations, at higit sa lahat, sa mga benepisyaryong nagpakita ng huwarang tagumpay sa pamamagitan ng programa.
“Ang Pantawid Pamilya ay hindi lang tulong pinansyal — ito ay pagkilala sa dignidad, pagbibigay ng oportunidad, at pagbubukas ng mas maliwanag na kinabukasan para sa bawat pamilyang Pilipino,” dagdag ni Gabuya.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang 4Ps sa lahat ng 18 rehiyon ng bansa. Patuloy itong nagbibigay ng conditional cash grants kapalit ng pagsunod sa mga rekisito sa kalusugan, nutrisyon, at edukasyon — na layong paunlarin ang human capital ng bansa.
