June 9, 2025

DOST Region 1, BPI Foundation matagumpay na naiturn-over ang STARBOOKS sa limang pampublikong paaralan sa rehiyon

Sudipen, La Union – Matagumpay na naisagawa ng Department of Science and Technology – Region 1 (DOST Region 1), katuwang ang DOST-Science and Technology Information Institute (DOST-STII) at BPI Foundation Inc., ang STARBOOKS Turnover Ceremony noong Abril 23, 2025 sa Duplas Elementary School sa Sudipen, La Union.

Dumalo sa nasabing programa sina Assistant Regional Director Racquel M. Espiritu, La Union Provincial Director Jonathan Viernes, OIC ng DOST Ilocos Sur na si Engr. Edison Acosta, at ang mga STARBOOKS regional at focal persons.

Binuksan ang programa sa pamamagitan ng makabuluhang mensahe ni DOST Region 1 Director Dr. Teresita A. Tabaog, na binigyang-diin ang mahalagang papel ng digital transformation sa pag-unlad ng edukasyon, lalo na sa mga liblib at hindi gaanong napaglilingkurang lugar. Ayon kay Dr. Tabaog, nananatiling layunin ng DOST ang walang maiiwang mag-aaral, anuman ang kanilang lokasyon.

Nagpahayag rin ng suporta si Ms. Patricia Joy Ongkiko, Program Manager ng BPI Foundation Inc., at muling iginiit ang kanilang adbokasiyang nation-building through education. Aniya, ang mga donasyong computer na may naka-install na Science and Technology Academic and Research-Based Openly-Operated KioskS (STARBOOKS) ay layong pag-alabin ang kuryusidad ng kabataan, paunlarin ang 21st-century skills, at magbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga mag-aaral sa kanayunan.

Itinampok sa programa ang pormal na turnover ng STARBOOKS equipment—kabilang ang computer sets, kiosks, at Wi-Fi routers—sa limang benepisyaryong paaralan sa Rehiyon Uno:

  • Agaga Elementary School – Burgos, Ilocos Norte
  • Rosario Elementary School – Cervantes, Ilocos Sur
  • Duplas Elementary School – Sudipen, La Union
  • Kabayabasan Elementary School – San Nicolas, Pangasinan
  • Binmaley School of Fisheries – Binmaley, Pangasinan

Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat ang mga paaralang nakatanggap ng STARBOOKS equipment at kinilala ang pagsisikap ng DOST-STII, DOST Region 1, at BPI Foundation sa pagsusulong ng pantay-pantay na akses sa edukasyon sa pamamagitan ng teknolohiya.

Sa kanyang closing message, hinikayat ni Assistant Regional Director Espiritu ang mga guro at mag-aaral na gamitin ang STARBOOKS bilang kasangkapan sa pagtuklas, inobasyon, at pagpapausbong ng panghabambuhay na pagkatuto.

Ang inisyatibong ito ay patunay ng patuloy na pagtugon ng DOST sa hamon ng digital divide at sa pagsisiguro ng dekalidad at inklusibong edukasyon sa lahat ng sulok ng bansa.