Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Women’s Month at Fire Prevention Month, matagumpay na nagsagawa ng isang Capacity Building Activity on Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) and Disaster Preparedness ang Department of Science and Technology (DOST) Ilocos Region nitong ika-31 ng Marso, 2026.
Sa ilalim ng pamumuno ni Regional Director Teresita A. Tabaog, tinipon ang mga kawani mula sa rehiyonal at panlalawigang tanggapan sa DOST Ilocos Region Multipurpose Hall upang hasain ang kanilang kakayahan sa pagtugon sa mga emergency at sakuna.
Sa unang bahagi ng programa, tinalakay ni Mr. Michael John C. Maquiling ang Philippine DRRM System kung saan binigyang-diin niya ang mahalagang papel ng DOST sa pagbibigay ng mga solusyong nakabase sa agham at teknolohiya.
Ipinaliwanag din niya ang Public Service Continuity Plan (PSCP) na naglalayong matiyak na hindi mapuputol ang serbisyo ng gobyerno kahit sa gitna ng krisis.
Kasunod nito, ipinakilala naman ni Mr. Edrussell S. Castillo ang mga makabagong teknolohiya ng kagawaran gaya ng HazardHunterPH, GeoAnalyticsPH, PANAHON, at ang SOLIDO DRRM Knowledge Hub, pati na ang bagong lunsad na HANDA Integrated Platform na nagsisilbing digital hub para sa epektibong pag-manage ng panganib.
Nakatuon naman sa fire safety ang sesyon sa hapon sa pangunguna nina SFO1 Al Zandrick Macuroy at FO1 John Samuel L. Olbinado mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) – San Fernando City. Hindi lamang teorya ang natutunan ng mga kawani dahil sumabak din sila sa isang hands-on fire drill kung saan aktwal nilang sinubukan ang tamang paggamit ng fire extinguisher at mga teknik sa pag-apula ng apoy sa mga simulated emergency scenarios upang masiguradong handa sila sa mga totoong insidente.
Sa pagtatapos ng programa, binigyang-diin ni Assistant Regional Director for Technical Services Ms. Racquel Espiritu na ang kaligtasan ay responsibilidad ng lahat.
Ayon sa kanya, mahalaga ang patuloy na paghahanda at inklusibong partisipasyon ng bawat miyembro ng organisasyon upang matiyak na ang lahat ay may sapat na kasanayang rumesponde sa anumang oras ng pangangailangan.
Ang inisyatibong ito ay patunay ng dedikasyon ng DOST Ilocos Region na bumuo ng isang disaster-ready workforce na handang protektahan ang buhay at ari-arian habang pinananatili ang serbisyo sa publiko.
