June 1, 2025

DOH: Walang Lockdown Dahil sa Mpox, Mag-ingat sa Fake News!

Mariing itinanggi ng Department of Health (DOH) ang kumakalat na maling impormasyon na umano’y may ipinatutupad na lockdown sa bansa dahil sa pagtaas ng mga kaso ng mpox (monkeypox).“Walang lockdown kahit saanman sa Pilipinas. Fake news iyan,” giit ng DOH sa opisyal nitong Facebook page.

Kasabay nito, nagbabala ang kagawaran laban sa ilang mga Facebook page na nagpapakalat ng maling balita ukol sa sakit. Hinimok ng DOH ang publiko na maging mapanuri at sumangguni lamang sa mga lehitimong source ng impormasyon.

Ayon sa DOH, bagamat tumataas ang kaso ng mpox ngayong taon, mas mababa pa rin ito kumpara sa mga naitalang kaso noong 2024.

Nilinaw rin ng ahensya na hindi airborne ang mpox, kaya hindi kinakailangan ang lockdown bilang hakbang sa pagpigil ng pagkalat nito.

Wala ring naitatalang kaso sa bansa ng mas nakahahawang variant na Mpox Clade 1b. Tanging ang mas banayad na uri, ang Clade II, ang naitala sa Pilipinas — na may mas mababang tsansa ng pagkamatay at mas kaunting panganib sa transmisyon.

Ipinatutupad ang mandatory na pagsusuot ng face mask sa mga piling lugar bilang bahagi ng mga lokal na inisyatiba:

Lalawigan ng Davao del Sur

Lalawigan ng Cotabato (sa mga health facility)

Compostela, Davao de Oro

Maasin City, Leyte

Sa Hall of Justice sa Davao City, obligado rin ang pagsusuot ng face mask. Gayunman, nananatiling boluntaryo ang mask-wearing sa iba pang bahagi ng lungsod, kung saan may anim na kumpirmadong kaso ng mpox.

Nag-ulat ang Davao City Health Office ng ilang residente na bumibili ng face mask nang maramihan, kapwa para sa personal na gamit at muling pagbebenta. Gayunman, iginiit ng mga lokal na opisyal na wala pang dahilan para maalarma, dahil hindi hangin ang pangunahing daluyan ng virus.

Samantala, tumutok na rin ang Department of Trade and Industry (DTI) – Davao Region sa mga ulat ng posibleng hoarding at overpricing ng medical supplies tulad ng face masks. Inaasahan ng DTI ang pakikiisa ng mga mamimili sa pagrereport ng mga lumalabag sa patakaran ng tamang presyo at distribusyon ng supply.

Payo ng DOH: Huwag magpakalat ng takot. Maging alerto pero huwag mag-panic.