December 20, 2024

DOH SA PUBLIKO: MAG-INGAT SA LEPTOSPIROSIS

Pinag-iingat ng Department of Health Center for Health Development Calabarzon (DOH 4-A) ang publiko laban sa leptospirosis ngayong panahon na nakararanas ng malalakas na pag-ulan ang iba’t ibang bahagi ng bansa na nagdudulot ng pagbaha.
 
Sa isang pahayag, binalaan ni DOH 4-A Regional Director I. Valencia ang publiko na iwasan ang pagtatampisaw, paglangoy, paglalaro, at paglusong sa tubig-baha.
 
“If the work cannot avoid dirty water, use a bottle and gloves; practice proper waste disposal; wash with clean water and soap after soaking in contaminated water; ensure the drinking water is clean and maintain the cleanliness of the house and environment,” pahayag ni Valencia.
 
“Kung na-expose na sa tubig-baha, agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health centers para mabigyan ng prophylactic medicine,” dagdag nito.
 
Ang babala ay kasunod rin ng pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa rehiyon na umabot na sa 95 mula Enero 1 hanggang Hulyo 29, 2023 kung saan 14 ang nasawi dahil sa sakit. Ayon sa DOH Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), higit itong mas mataas kumpara sa 54 kaso na naitala sa kaparehas na mga buwan noong nakaraang taon.
 
Pinakamataas na kaso ng leptospirosis ang naitala sa lalawigan ng Quezon na mayroong 35; Rizal, 22; Laguna, 16; Batangas, 13; at Cavite na may 9 na naitalang kaso.
 
Ang leptospirosis ay isang nakamamatay na sakit na nakukuha sa pagkakaroon ng contact sa tubig baha, partikular ng mga taong may sugat, o pagkain at pag-inom ng tubig na kontaminado ng ihi ng mga daga, aso, baboy, baka, o kambing.
 
Ayon sa DOH, kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, pananakit ng kalamnan, pamumula ng mata. panginginig, pananakit ng ulo, pagsusuka, pagtatae o paninilaw ng balat.
 
Inabisuhan naman ni Valencia na agad na magtungo sa pinakamalapit na ospital kung nakararanas ng mga sintomas na ito.
 
Tiniyak din nito na sapat ang supply ng doxycycline sakaling tumaas pa ang kaso ng leptospirosis sa rehiyon. Ayon kay Valencia, mahigit 142,000 doxycycline capsules ang nakahanda ng ipamahagi ng kanilang tanggapan sa mga health centers sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.  (DOH 4-A/PIA 4A)