December 26, 2024

DOH PINURI NI BONG GO (Pag-aalis sa medicine booklet requirement ng senior)

PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, and Department of Health (DOH) para sa isang makasaysayang desisyon na naglalayong mapabuti ang accessibility ng serbisyong pangkalusugan para sa mga senior citizen.

Dahil sa Administrative Order No. 2024-0017 na nilagdaan ni DOH Secretary Teodoro J. Herbosa noong Disyembre 23, 2024, hindi na kailangan ang purchase booklet upang makakuha ng discount ang mga senior citizens.

Ang inisyatibang ito ay nakikita bilang isang hakbang patungo sa pagbabawas ng mga hadlang na kinakaharap ng mga nakatatandang Pilipino sa pagkuha ng mga mahahalagang gamot.

Sa isang pahayag kasunod ng anunsyo, ipinahayag ni Senator Go ang kanyang buong pusong suporta para sa hakbang na ito, na inilarawan niya bilang isang napapanahon at mahalagang pagbabago sa umiiral na patakaran. Bilang bahagi ng Expanded Senior Citizens Act of 2010 (Republic Act No. 9994), ang mga senior citizen ay may karapatan sa 20% na diskwento sa mga gamot.

Gayunpaman, ang dating proseso ay naging sanhi ng pagkakataon na ang mga senior citizen ay hindi makakuha ng kanilang kinakailangang gamot dahil sa pagkakalimot o pagkawala ng mga dokumento.


Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagtiyak na ang mga senior citizen ay mayroong buong access sa mga benepisyo na ibinibigay sa kanila ng batas.

“Hindi dapat maging hadlang ang mga lumang requirements sa kanilang kalusugan at karapatan,” ayon kay Go.