January 22, 2025

DOH: PHILHEALTH BENEFITS, SERBISYO TULOY SA KABILA NG ZERO SUBSIDY

Tiniyak ng Department of Health (DOH) noong Biyernes sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) na maaari pa rin nilang gamitin ang lahat ng inpatient, outpatient, at special benefit packages sa kabila ng zero subsidies ng ahensya para sa 2025.

Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, na siya ring tagapangulo ng PhilHealth Board, trabaho ng PhilHealth na bayaran ang health benefits ng mga miyembro nito kahit na hindi sila makakuha ng pondo mula sa General Appropriations Act.

“Binasa namin ang financial statements ng PhilHealth kasama ang napag-alamang performance nito, at kumpiyansa ang DOH na mayroon itong sapat na pera para ipagpatuloy at pagandahin pa ang kaniyang operasyon,” ayon kay Herbosa.

Sinabi ni Senator Grace Poe noong Miyerkules na walang subsidyong matatanggap ang PhilHealth sa 2025 dahil sa P600 bilyong reserbang pondo nito. Sinabi rin niya na ang badyet ng ahensya ay isa sa mga kontrobersyal na probisyon ng 2025 na panukalang badyet.

“May kumpiyansa ang DOH na may cash on hand ang PhilHealth para magpatuloy at mapabuti pa ang paghahatid ng benepisyo sa susunod na dalawa hanggang tatlong taon,” ayon sa health bureau.

Iniulat din ng DOH na ang kabuuang gastos sa benepisyo noong 2023 ay P74 bilyon, habang ang mga gastos mula Enero hanggang Setyembre 2024 ay umabot sa P135 bilyon. Idinagdag nito na kumita ang ahensya ng P463.7 bilyon noong 2023.


Samantala, pinabulaanan ng PhilHealth ang mga alegasyon na naglaan ito ng P138 milyon para sa Christmas party, bagkus ang nasabing pondo ay inilaan para sa kanilang 30th anniversary celebration.

Sa kanyang Facebook post, ipinost ni Dr. Tony Leachon ang di-umano’y mga aktibidad at gastusin para sa Christmas party at sinabihan ang pamunuan ng Philhealth na “mapang-abuso” dahil sa hindi wastong paggamit ng pondo.

Gayunpaman, sinabi rin ng ahensya na ang mga aprubadong aktibidad ay “makatuwiran, na may badyet na sumusunod sa umiiral na mga limitasyon na itinakda ng gobyerno.”