November 24, 2024

DOH: MEASLES OUTBREAK SA 2021

HINDI pa man natatapos ang kalbaryo ng coronavirus pandemic sa bansa, inanunsiyo ng Department of Health (DOH) na magsasagawa ito ng nationwide immunization campaign upang mapigilan ang posibleng malakihang outbreak ng measles o tigdas sa 2021.

Ngayong 2020, lubos na bumaba ang kaso ng tigdas, na umabot sa 4,624, pero lumagpas sa epidemic threshold ang mga rehiyon ng Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) at Caraga.

Maliban sa tigdas hindi pa rin umano nakokontrol ng DoH ang pagkalat ng polio, pagbabahagi ni Dr. Wilda Silva program manager ng DOH national immunization program sa DOH regular press briefing.

Dahil dito, balak umano ng DOH na magsagawa ng Measles, Rubella and Oral Polio Vaccine supplemental immunization activity (MR-OPV SIA).

“This supplemental immunization activity, in the true sense of the word, is going to prevent the future outbreak. We don’t want to respond to an outbreak but we want to prevent an outbreak,” sabi ni Silva.

Nakatakda ang unang phase ng SIA sa katapusan ng buwan hanggang Nobyembre sa ilang rehiyon sa Luzon at Mindanao, habang ang ikalawang phase naman ay gagawin sa Pebrero 2021 sa mga lugar na hindi kasama sa unang bugso.

Pero hindi gaya ng mga nakaraang pagbabakuna, hindi magbabahay-bahay ang magbabakuna, lalo’t ang iba’y tumutulong din sa laban kontra coronavirus disease (COVID-19).

Magse-set up umano ang mga bakunador sa mga barangay hall o gym para sila na mismo ang dayuhin ng mga magulang at kanilang mga anak at bagaman ang pananatili sa bahay ay nakatutulong sa kaligtasan ng mga bata kontra COVID-19, kailangan pa rin umano ng bakuna para sa mga sakit na kayang maiwasan.