November 5, 2024

DOH HINDI ITUNULOY ANG PAGBILI SA P700K NA LAPTOP

HINDI itinuloy ng Department of Health (DOH) ang pagbili ng apat na ‘high-end laptop computers’ na nagkakahalaga ng P700,000 makaraan na mag-viral ito sa social media.

Ito ay makaraang kumpirmahin ni Health Undersecretary Leopoldo Vega, chief of staff nge DOH Administration and Financial Management Team, na may plano nga na bumili ng naturang mga laptops para sa IT (information technology) ng ahensya.

Ngunit sumabog ito sa social media na pinutakti ng mga galit na netizens na nagsabing ‘overpriced’ ang mga gadgets na aabot sa P175,000 bawat isa at maraming mas mura na laptop computers na mataas na rin ang mga specs (specifications).

Dahil dito, sinabi ni Vega na pag-aaralan pa muna ng DOH ang mga presyo sa merkado at itinigil na ang pagbili ng mga gadgets sa naturang halaga.

“However, to date, the procurement, [the] transaction was put on hold pending the result of the further market study and prevailing market price for these laptops,” ayon kay Vega.

Kasabay nito, ipinagtanggol rin ni Vega ang DOH sa red flags na nakita ng Commission on Audit (COA) ukol sa P67.32 bilyong COVID-19 funds para nitong 2020 na hindi pa nagagamit. Karamihan umano sa mga pondo na nakita ng COA ay naresolba o naipamigay na nila sa mga benepisaryo.

“Hindi po ito nasayang,” giit ni Vega. “Due to enactment of continuing appropriations of Bayanihan 2 funds, P4.2 billion or 83% of the P5.1 billion funds have been utilized as of June 2021,” paliwanag niya.

Hindi pa umano pinal ang ulat ng COA at maaari pa nilang maayos ang mga pagkukulang sa kanilang sistema.