December 23, 2024

DOH: COVID PEAK SA METRO MANILA, NAABOT NA

Nakatanggap ng booster shot laban sa COVID-19 ang mga motorista sa drive-thru vaccination site sa SM North parking area sa Quezon City ngayong araw. (Kuha ni ART TORRES)


Naniniwala si Health Secretary Francisco Duque III na naabot na ng National Capital Region (NCR) ang peak ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, sa gitna ng pagbaba ng bilang nito sa nagdaang araw.

“Lumalabas nag-peak na at nakita natin ilang araw nang sunod-sunod na bumababa ang kaso ng NCR at lumiliit ang porsyenteng inaambag nito sa ating total case load,” ani Duque sa Laging Handa briefing.

Kahapon, naitala sa Pilipinas ang 29,828 bagong kaso ng COVID.

Posible naman naiyang maibaba sa Alert Level 2 ang NCR oras na makamit nito ang itinakdang criteria ng gobyerno.

Pasok dito ang two-week growth rate na dapat ay nasa moderate risk at average daily attack rate na nasa isa hanggang pito sa bawat 100,000 population.

Gayundin ay dapat nasa 49% ang health utilization rate.

“Yan automatic, ‘yan, kapag maabot ‘yan, babaa tayo to Alert Level 2.”

 “Baka kailangan tignan pa rin kung ang healthcare utilization rate ay nagkaroon na ng pagbabaklas o decoupling. Kumbaga tumaas ng kaso, ito raw yung kwan natin, ‘yung mga severe, critical, nasa baba,” dagdag ni Duque.