November 24, 2024

DILG: HUWAG NANG IANUNSIYO BRAND NG BAKUNA (Mas gusto Pfizer keysa Sinovac?)

Iginiit ni Interior Secretary Eduardo Año na huwag ipagbigay-alam sa publiko kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang gagamitin sa vaccination center.



Ito’y dahil nadi-discourage ang brand preference, na nagdulot ng mahabang pila nitong kamakailan lang sa vaccine sites para sa Pfizer bakuna, ayon kay Año. Inatasan na rin ang local government unit na itigil ang pag-a-advertise ng brand ng bakuna.

“The best vaccine is the one that is available. Therefore in order to overcome brand preference, LGUs should not announce the brand of vaccine to be used in vaccination centers,” wika niya.

Sa oras na tumanggi ang isang tao na magpabakuna ng available vaccine ay kailangan ulit nitong pumila sa pagkakataon na gustuhin ulit nitong magpaturok ng COVID-19 vaccine, ayon sa kalihim.

Una nang inirekomenda ni Health Usec. Myrna Cabotaje ang brand-less calls para sa pagbabakuna upang iwasan ang pagdagsa ng mga tao.

“Our health experts have repeatedly said that there is none that is more effective than the other. All of them prevent hospitalization or critical illness from COVID. That is what is important,” wika ni Año.

Hiniling ni Sen. Risa Hontiveros sa pamahalaan na i-reconsider ang bagong patakaran, sapagkat ito ay counterproductive at maaring mawala ang tiwala ng publiko sa vaccination program ng gobyerno.

Hindi natin mapapataas ang kumpiyansa ng ating mga kababayan kapag kaduda-duda ang ating mga polisiya. Senyales din ito na malaki ang pagkukulang ng DOH sa pagkumbinse sa mga tao na garantisadong ligtas at mabisa ang mga aprubadong bakuna, anuman ang brand name nito,” ani ng senador.

Mapait naman sa panlasa ni Sen. Imee Marcos ang paglihim sa babakunahan ng brand ng bakuna na ituturok dito.

“Informed consent is the least we can give Filipino patients — they are vaccinated fully aware of the risks, as well as the benefits, involved. How can they even sign a consent form if they don’t know the brand they had?” saad ni Marcos.

Saad naman sa Twitter ni Dr, Tony Leachon, dating adviser ng National  Task Force COVID-19, mahalaga na ianunsiyo ang brand ng bakuna.

Naghahabol ang Pilipinas para makamit ang target nito ang herd immunity sa Metro Manila at walong pang lugar sa Nobyembre ngayong taon. Kinakailangan mabakunahan ang 500,000 katao kada araw upang mapagtagumapayan ito, ayon kay Sec. Carlito Galvez, vaccine czar.

Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig sa immunization drive sa A4 category, na saklaw ang economic frontliner at national government frontliner. Sa kasalukuyan, sakop ng vaccination program ang health workers (A1), senior citizens (A2), at persons with  comorbidities (A3).