May 18, 2024

3 sangkot sa droga, timbog sa Malabon

Swak sa kulungan ang tatlong hinihinalang drug personalities kabilang ang dalawang ginang matapos maaresto sa magkahiwalay na drug operation ng pulisya sa Malabon City.

Dakong alas-12:10 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kontra kay Delia Rama Sampaga alyas “Iya”, 45, sa Mabolo St. Brgy. Maysilo.

Kaagad inaresto ng mga operatiba ang suspek matapos bentahan ng P500 halaga ng droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakuha sa suspek ang nasa 4.5 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P30,600 ang halaga at buy bust money.

Alas-10 naman ng gabi nang maaresto naman ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) si Renato Alberca, 51, at Jasmine Gregorio, 57, habang nagsasagawa ng pot session sa Blk 8, Lot 15, Pampano St. Brgy. Longos. Narekober ng sa kanila ang dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu, isang nakabukas na plastic sachet na may bahid ng umano’y shabu at ilang drug paraphernalia.