Nakasuot ng face shield at face mask ang mga mananakay ngayong araw bilang bahagi ng ipinag-uutos na direktiba ng DOTr para sa mga pasahero sa pampublikong transportasyon upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Muling ipinagpatuloy ang operasyon ng pampublikong transportasyon matapos ibalik sa general community quarantine ang Metro Manila at kalapit na lalawigan ngayong araw. (Kuha ni NORMAN ARAGA)
INIMUNGKAHI ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na sinumang indibidwal na mahuhuling walang suot na face mask ay makukulong ng 30 araw ngayong ibinalik sa general community quarantine ang National Capital Region.
Ayon kay DILG Undersecretary Martin Diño, panahon na para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng batas at hindi na dapat pagbigyan ang mga pasaway sa gitna ng coronavirus diseases 2019 (COVID-19) pandemic.
“‘Yung isa pang mungkahi namin na kapag nahuli ka ng may face mask ka nga, nakababa naman, naka-labas ang ilong mo, nakalabas ang bibig mo, eh 15 days ang kulong mo,” wika ni Diño.
“Pagka-naman, halimbawa, talagang wala kang face mask, eh, 30 days. So ito ‘yung mga bagay na dapat pagkasunduan at agad-agad, i-implement natin,” dagdag pa niya.
Nais din ng ahensiya na pag-isahin na lang ang parusa sa mga quarantine violators matapos pumayag ang mga alkalde ng Metro Manila na ipatupad ang curfew mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
“Kaya nga may mungkahi din kami na sana pati ‘yung parusa diyan pare-pareho na, no? Kung halimbawa, ‘yung multa, ‘yung first offense, ‘yung second offese, third offense,” paliwanag ni Diño.
Dapat aniya magsimula ang paghihigpit sa pagpapatupad ng quarantine protocols sa barangay level.
“Definitely hihigpitan na natin ‘yan. Hindi na puwede ‘yung anim na buwan na tayo dito, no, hindi na puwede ‘yung pag-bibigyan mo,” giit ni Diño.
“Basta nasa labas sila, nahuli ka ng nasa labas ng tahanan mo, kahit nasa harap ka lang ng bahay mo, kapag tumungtong ka ng sidewalk, tumungtong ka ng kalsada, naabutan ka ng ating mga tanod, ng ating kapulisan, ikaw ay aarestuhin, dalhin sa barangay hall o dalhin sa prisinto para mai-dokumento ‘yung kaukulan ng kaso,” wika pa niya.
Mahigit sa 300,000 na ang lumbag sa quarantine na nahuli ng Joint Task Force COVID shield sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nakapagtala na rin ang Pilipinas ng 173,744 COVID-19 cases habang 113,481 n aman ang gumaling at 2,759 ang nasawi.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA