December 25, 2024

‘Di na kinaya pananakit at pambabastos… KELOT TINARAKAN SA LEEG NG ATE, GRABE

ISANG lalaki ang nasa malubhang kalagayan matapos tarakan sa leeg ng kanyang nakakatandang kapatid na babae nang mapuno na ito sa umano’y pananakit at pambabastos sa kanya ng kapatid sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Nakaratay sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital kung saan nilapatan ng lunas ang tinamong saksak sa leeg ang biktimang si Michael, 36, ng Phase 8A Package 14, Block 19, Lot 35, Bagong Silang.

Nadakip naman ang suspek na si Lucia Taer, 49, nina Pat. Mark Teody Diel ng Caloocan Police Sub-Station 13 at ng Purok Leader ng Brgy. 176 na si George Aldiano, Jr.

Sa ipinarating na ulat ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dumating umano sa kanilang tirahan ang biktima dakong alas-7:15 ng gabi na nasa impluwensiya ng alak at binungangaan ang kanyang ate na dahilan ng kanilang mainitang pagtatalo.

Sinabi ni Lucia sa pulisya na lingguhan lamang siya kung umuwi sa kanilang bahay sa Caloocan matapos ang pagtatrabaho bilang kasambahay sa isang pamilya sa Maynila subalit sa tuwing uuwi siya ay sinasaktan, binabastos, at ini-insulto pa ng kanyang nakababatang kapatid ang kanyang pagkababae.

Sa gitna ng pagtatalo, sinampal umano ng biktima ang kanyang Ate na sa sobrang galit ay kumuha ng patalim at tinarakan sa leeg ang kapatid na isinugod ng mga nagrespondeng Barangay Emergency Response Team sa nasabing pagamutan.

Nakuha rin ng mga tauhan ni P/Capt. Joniber Blasco, Commander ng Sub-Station 13 ang patalim na ginamit ng suspek sa pananaksak habang inihananda na ni P/Cpl. Jay-Pee Getalado ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong frustrated homicide laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.