June 19, 2025

Delivery driver timbog sa ₱272K halaga ng shabu sa Pasig

PASIG CITY —Arestado ang isang 37-anyos na delivery driver sa ikinasang buy-bust operation ng Pasig City Police Station noong Martes ng gabi, Hunyo 17, kung saan nasamsam ang tinatayang 40 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱272,000.

Ayon sa ulat na isinumite kay PCol. Mangaldan, kinilala ang suspek sa alyas na “Gigi,” residente ng Brgy. Cembo, Makati City. Inaresto siya sa bisa ng paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act No. 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”

Bandang 10:45 ng gabi, isinagawa ng Drug Enforcement Unit ng Pasig City Police Station, sa pakikipagtulungan ng Pasig City Anti-Drug Abuse Office, ang operasyon sa kahabaan ng CPL Cruz Street, Brgy. Bagong Ilog.

Nasabat sa suspek ang 15 pirasong heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na substansiyang pinaniniwalaang shabu, isang ₱1,000 bill na ginamit bilang marked money, at isang itim na pouch.

Isinagawa ang markings at imbentaryo ng mga ebidensya sa mismong lugar ng insidente sa harap ng isang barangay opisyal at kinatawan ng media, alinsunod sa umiiral na protocol.

Dinala na sa istasyon ang suspek at mga ebidensya para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. Isasailalim din si “Gigi” sa drug test at laboratory examination sa EPD Forensic Unit sa Mandaluyong City.

Pinuri ni PCol. Mangaldan ang mabilis at matagumpay na operasyon ng mga operatiba. “Isang patunay ito ng kanilang dedikasyon sa laban kontra droga at sa layuning mapanatili ang kaligtasan ng ating mga komunidad,” aniya.