December 25, 2024

Dela Rosa sa DND, AFP: Wakasan ang insurgency sa ilalim ng administrasyong Duterte

HINIMOK ni Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang Department of National Defense, partikular na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) gayundin ang iba pang military agencies ng pamahalaan, na ipagpatuloy ang agresibo nitong pagsisikikap upang wakasan ang insurgency at terorismo sa bansa.

Inilabas ni Dela Rosa ang panawagan kasabay ng kanyang pagpapahayag ng suporta sa pag-apruba sa panukalang 2021 budget para sa Department of National Defense (DND) at kalakip nitong ahensiya sa isinigawang Public Hearing of the Senate Committee on Finance [Sub-committee “C”].

Pinuri rin ng naturang senador ang ginagawang pagsisikap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbibigay ng pangunahing tulong sa tropa ng gobyerno sa pakikipaglaban sa New People’s Army (NPA) at iba pang teroristang grupo na nagpapalaganap ng komunismo at karahasan sa rural areas sa bansa.

“Long shot kung within two years matapos na ito. But somehow, sana malaking dent ang ating maibigay dito sa problema na ito dahil matagal na tayo sa serbisyo, ngayon lang talaga natin naramdaman na meron tayong Presidente na sumu-suporta sa ating efforts towards insurgency. So, imaximize natin ito,” ayon sa Senador.

Sambit pa ni Dela Rosa, na ang anti-insurgency efforts ng gobyerno ay naging sagot upang resolbahin ang mga isyu bunga ng iba’t ibang programa ng pamahalaan kabilang na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Itong problema natin sa NPA, we’ve been fighting this war for a very long time already and alam natin na noon pa, tinyente pa tayo General Gapay, ang ating hinanakit noon, ang sabi natin palagi, ‘Mistah, ano ba itong giyera na ito. Para bang pinabayaan nalang tayo dito ng ibang ahensya ng gobyerno. Parang insurgency is purely a military problem’,” pagbabalik-tanaw ni Dela Rosa.

“Pero ngayon, nakikita natin through NTF-ELCAC, nagkakaroon tayo ng kaliwanagan na tsansa na natin ito na tapusin itong problema na ito [on insurgency]”, dagdag pa ni Dela Rosa.

Giit pa niya na nagawang makapasok ng ilang komunistang grupo sa gobyerno para sa kanilang hangarin na wasakin ang sistema.

 “Although sabi natin patapos na sila, pababa na sila, pero alam natin na may mga nakapasok na sa kanila sa ating gobyerno. They want to destroy our government from the inside…sa legislature pa nga yung iba,” ayon kay Dela Rosa.

Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na patuloy na kumikilos ang gobyerno sa pagsugpo laban sa insurgency sa tulong ng NTF-ECLAC at mas nag-improve na rin ang intelligence capacity ng pamahalaan, na humantong sa pagkakaaresto sa mga suicide bomber.

Upang higit na malabanan ang insurgency sa bansa, hinimok din ni Dela Rosa ang departamento na tiyakin na mapapalitan ang giniba na Salugpungan school ng totoong eskwelahan na pamamahalaan ng Department of Education.

“Yung mga Salugpungan schools na pinaggigiba natin, sana mapalitan talaga natin yun ng real schools, totoong eskwelahan ng DepEd, para yung mga tao hindi lalong magagalit sa atin. Pinahinto natin ang edukasyon na binibigay sa kanila ng NPA…tutukan natin yung mga eskwelahan na ‘yun, lagyan talaga natin ng totoong eskwelahan galing sa atin,” giit ni Dela Rosa.