November 5, 2024

DEFENSOR IDINEPENSA PAMUMUDMOD NG IVERMECIN SA QC

MANILA – Iginiit ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na naaayon sa batas ang pagsusulong niya sa paggamit ng anti-parasitic drug na ivermectin laban sa COVID-19.

Pahayag ito ng kongresista sa gitna ng mga kritisismo sa kanyang inisyatibo na mamahagi ng libreng ivermectin sa Quezon City.

Sa isang panayam sinabi ni Defensor na may basbas ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng ivermectin basta’t may reseta mula sa lisensyadong doktor.

“Ang ginagawa ko po ay sa regulasyon ng batas, after FDA law at kung ano ‘yung ginagawang alituntuntin ng FDA,” ani Defensor sa interview ng DZBB.

Naniniwala ang mambabatas na ligtas at posibleng may epekto laban sa COVID-19 ang ivermectin dahil siya raw mismo ay gumamit nito noong siya ay nag-positibo sa sakit.

Ito ay kahit pa mismong ang manufacturer ng gamot na Merck ang nagsabi na walang scientific basis ang bisa ng naturang medisina laban sa coronavirus.

Ayon kay FDA director general Eric Domingo, pwede namang gumamit ng human-grade na ivermectin kung ito ay ini-reseta ng lisensyadong doktor at dumaan sa “compound” process ng lisensyadong pharmacy.

“Of course, if you are going to dispense an antibiotic you have to have a doctor to see a patient and then write a prescription, and the prescription maybe go to a compounding pharmacy and make the drug for the patient and explain to the patient that this is what the drug is, this is what it will do to you, this is the possible effects, and if a patient accepts then of course that is the legal way of doing things,” ani Domingo sa interview ng ANC.

Sa ngayon tanging topical cream o pamahid sa balat ang rehistradong ivermectin sa Pilipinas na para sa tao. Ang mga rehistrado lang na tableta o gamot ay para sa mga hayop.

Ang ivermectin ay orihinal na dinisensyo bilang pampurga sa mga alagang hayop.

Una nang tumutol ang World Health Organization at European Medicines Agency sa paggamit ng ivermectin sa COVID-19 patients.

“We recommend not to use ivermectin in patients with COVID-19 except in the context of a clinical trial,” ayon sa WHO.