December 23, 2024

Davao City Police handa na… ARESTO VS ‘ANAK NG DIYOS’

NAKAALERTO na ang Davao City Police Office sa pag-aresto kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) appointed son Pastor Apollo Quiboloy, matapos mabigong humarap sa pagdinig ng Senado kaugnay sa sexual abuse allegations.

Ayon kay Police Captain Hazon Tuazon, tagapagsalita ng Davao City Police, hinihintay na lang nila ang koordinasyon sa Seargeant-at-Arms ng Senado at handa silang i-assist para sa pag-aresto sa kontrobersiyal na pastor.

“Pag-mag coordinate po sila sa amin, mas mabuti, para maiwasan natin kung may gulo. Iwasan natin na magkagulo dito sa Davao City,” ayon kay Tuazon.

Ayon kay Tuazon, nakaalerto na rin ang Calinan at Buhangin Police Station, kung saan matatagpuan ang prayer mountain at church ni Quiboloy, sa developments kaugnay sa kinaroroonan ng church leader.

“Sa pagdakip, i-ano pa namin yan from the chief operations at sa chief ng warrant section namin, pero i-assure po namin na ang DCPO ay ready anytime kung magpunta dito ang sergeant at arms at iba pang officers. May mga naka-standby po tayong PNP personnel na ready to be deployed to assist any from the Senate,” saad niya.

Ayon pa kay Tuazon, wala pang impormasyon ang DCPO sa kinaroroonan ni Quiboloy o kung may balak itong sumuko.

Ayon sa pulisya, simula pa noong nakarang linggo hindi pa rin nakikita si Quiboloy sa Buhangin at Calinan districts, nang isilbi nila ang subpoena sa kanya upang dumalo sa Senate hearings.

Sinabi rin ni Tuazon na naghahanda na rin sila kung magsasagawa ng protest rally ang mga tagasuporta ni Quiboloy.