November 24, 2024

Dating Vice Mayor sa Quezon patay sa ambus sa Laguna

SAN PABLO, LAGUNA – Patay sa nangyaring pananambang ang dating bise alkalde ng bayan ng Dolores sa Quezon, matapos na harangin at paulanan ng bala ng mga hindi pa kilalang suspek noong gabi ng Biyernes sa lugar ng Seven Street, Brgy. San Francisco ng nabanggit na bayan.

Kinilala ang biktima na si Danilo Amat, na isa rin negosyante at kumandidatong mayor  nitong national and local election 2022, nakalaban ng kasalukuyang mayor na si Orlan Calayag ng Dolores sa Quezon.

Base sa inisyal na report ng San Pablo City Police Station sakay ng kanyang Ford Mustang na kulay pula ang biktima nang harangin at paputukan nang sunod-sunod ng gunman gamit ang hindi pa batid na kalibre ng baril, nagtamo ng mga sugat sa kanyang likod ang biktima na mabilis na dinala sa San Pablo City General Hospital ng mga nagmalasakit na taumbayan subalit idineklarang dead on arrival (DOA) ng rumespondeng doktor na si Dra. Rowena Rovillos. Nagpapatuloy naman ang isinasagawang technical investigation at autopsy examination ng mga operatiba ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Dati na rin umanong nakakatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay ang biktima ayon sa ilan mga kamag anakan nito at inaalam narin ngayon ng mga otoridad kung may kinalaman sa pulitika o negosyo ang nangyaring pamamaslang sa dating bise alkalde. (KOI HIPOLITO)