November 3, 2024

Dating staff ng drug council nadakip sa buy-bust


ILIGAN CITY – Nadakip ng narcotics agents ang isang dating staff ng Illigan City Anti Drug Abuse Council (ICADAC) sa buy-bust operation Huwebes ng gabi sa Barangay Luinab sa nasabing siyudad.

Kinilala ni Agent Neil Pabilona, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) assistant provincial officer ng Lanao del Norte, ang naarestong suspek na si Wilrap Losorata, 28, matapos mahulihan ng limang sachet ng shabu na may halagang P54,000.

Ayon kay Pabilona, ilang buwan nang tinitiktikan si Losorata makaraang makakalap ng impormasyon sa mga personalidad na nanunang naaresto.

Nabanggit ni Orlando Carrasco, ICADAC administrative officer, dalawang buwan ding nagtrabaho si Losorata bilang facilitator ng Facility-Based Drug Rehabilitation Program ng ICADAC sa loob ng Iligan City jail. Noong nakaraan Oktubre nang tumigil ito sa trabaho.

Matapos makilala ng Barangay Anti-Drug Abuse Council bilang tulak ng droga, kinumbinsi pa si Losorata ng kanyang dating kasamahan na mag-enroll sa Balay Silangan Reformatory Center, isang programa na itinaguyod bilang temporary shelter sa mga drug offender.

“He was all set to enroll in the program. He was already there (at Balay Silangan in Barangay Abuno) with all the things he needed while undergoing the program for three months. When he learned that they needed to be body searched, he immediately backed out saying his children will look for him if he would not go home for a longer period of time,” saad ni Carasco.

Inihahanda na ang kaso laban kay Losorata dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.