TODAS ang 40-anyos na dating parak matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo sa Caloocan City.
Hindi na umabot ng buhay sa Caloocan Medical Center (MCM) ang biktimang si alyas “Christian”, dating nakatalaga sa Malabon Police Station at residente ng Zamora St. Brgy. 19 sanhi ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa iba’t-ibang parte ng katawan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-4:20 ng madaling araw ng Sabado nang sitahin at hingin ng dating pulis ang lisensiya ng isa sa suspek na sakay ng Mio Motorcycle sa harap ng isang bahay-sanglaan sa A. Mabini St. Brgy. 15.
Habang tinatanong ng biktima ang suspek na nakilala sa alyas “Jay” 27, residente ng MLQ St. Lower Bicutan, Taguig City, kung ano ang ginagawa nito sa Libis Nadurata St., biglang sumulpot ang kasama nito na naka-helmet at nakasuot ng pulang t-shirt saka pinagbabaril ng ilang ulit ang dating parak.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas patungo sa gawi ng 10th Avenue ang mga suspek at iniwan ang kanilang motorsiklo habang patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa maaresto ang mga ito.
Ayon sa isang dating kasamahan sa serbisyo ni ‘Christian’, nasibak sa tungkulin ang biktima nang magpasiyang mag-AWOL (absent without official leave) matapos malagay ang kanyang pangalan sa tinutugis noon ng Counter Intelligence Task Force (CITF) na ngayon ay Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG), sa kasagsagan ng “Oplan Tokhang”. (JUVY LUCERO)
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA