
PASAY – Nakalabas na sa Pasay City Jail ang mga opisyal ng Pharmally na sina Mohit Dargani at Linconn Ong, matapos ang halos pitong buwan na pagkakabilanggo.
Sa panayam sa telebisyon, kinumpirma ni BJMP Spokesperson Chief Insp. Xavier Solda na nakalabas na ng kulungan sina Pharmally treasurer Mohit Dargani at director Linconn Ong nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Solda, isinagawa ang pagpapalaya sa dalawa alinsunod na rin sa release order na pirmado ni outgoing Senate president Vicente “Tito” Sotto III nitong Miyerkules ng gabi.
Si Ong ay ikinulong sa Senado simula Setyembre 21, 2022 matapos i-contempt nang tanggihan ang kautusan ng Senate blue ribbon committee na iharap ang financial statements ng kumpanya kaugnay ng imbestigasyon sa kuwestiyunableng paglilipat ng P42 bilyong Covid-19 funds ng Department of Health sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Inaresto naman si Dargani habang nagtatangkang tumakas ng bansa, sakay ng chartered plane sa Davao City International Airport noong Nobyembre 14, 2021.
Sina Ong at Dargani ay inilipat sa Pasay City Jail noong Nobyembre 2021.
Kamakailan, iniutos ng komite na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon na kasuhan sina Ong, Dargani at ilang opisyal ng gobyerno dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng Covid-19 supplies sa gitna ng pandemya kamakailan.
More Stories
Sudden-Death Semis: UST at NU Laban Para sa Final Spot sa UAAP Men’s Volleyball
131 LGUs Balak Kasuhan ng ARTA Dahil sa Kabiguan Magpatayo ng e-BOSS Laban sa Red Tape at Katiwalian
Truck ng Comelec Service Provider Nahulog sa Bangin sa CDO; 1 Patay