Kung mapapansin n’yo, mga kababayan— mga Ka-Sampaguita, patapos na ang pagtahak natin sa kahalatian ng taong 2020. Masasabi nating hindi talaga maganda ang pasok ng taong kasalukuyan dahil sa kinaharap nating krisis ng coronavirus. Sino nga ba sa atin ang hindi naapektuhan? Halos lahat. Kahit ang mga mayayaman at malalaking bansa sa daigdig ay umaray sa bagsik ng CoVid-19 pandemic.
Ngayon naman, kahit nakikita natin si haring araw, opisyal nang pinahayag ng PAGASA na wet season na. Ibig sabihin, kung hindi man, mas mararanasan natin ang mauling panahon at pagpasok ng bagyo sa ating bansa. Hindi biro ito gayung iniinda pa natin ang epekto ng perwisyong idinulot ng coronavirus.
Natural na kapag ay ilang serye ng pagbuhos ng malalakas na pag-ulan at bagyo, hindi natin maiiwasang magkaroon ng pagbaha, landslide, flashflood sa iba’t-ibang bahagi ng ating kapuluan.
Hindi biro ang ganyang senaryo dahil dagdag dagok ito sa maaapektuhan nating mga kababayan. Dagdag sakit ng ulo rin ito sa ating pamahalaan dahil kinakailangan ng dagdag pondo para rito. Sa nakalipas na tatlong buwan, tiyak na nagalaw ng local na pamahalaan ang nakatabing calamity fund dahil sa ayuda sa mga bahay-bahay noong nagkaroon ng ECQ. Kung may natitira pa, malamang na kaunti na lang.
Papaano yan? Panibagong dagdag kalbaryo ‘yan sa ating mga kababayan. Natural na aayudahan ng kinauukulan ang mga maaapektuhan nating mga kababayan; sa pamamagitan ng pamimigay ng relief goods. Gayundin ang mga save haven bahay-kanlungan (shelter), sa madaling sabi, mga evacuation centers na matutuluyan ng maaapektuhan ng pagbaha at bagyo. Saan sila ilalagay ng kinauukulan gayung ang ilang pasilidad ay ginagamit para maging quarantine facilities at tests centers?
May contingency plan na kaya rito ang mga local na pamahalaan?Harinawang hindi malalakas na bagyo ang dumaan sa ating bansa; at sana’y hindi kalala ang mga pagbaha. Kawawa ang ating mga kababayan, lalo na ang mga bata’t matatanda at maysakit.
Aminin man natin o hindi, bukod sa matinding trapik, ang pagbaha ang malaking suliranin natin kapag tag-ulan na. Malaking perwisyo. Kung sa mga lalawigan nga na mayroong mga puno ‘e ay bumabaha, lalo pa kaya sa Metro Manila.
Noon ko pa sinusuhestiyon mga ka-Sampaguita ang isa sa solusyon diyan. Simple lang, ang pagtatanim ng mga puno. Kung pinapanukala ng ating pamahalaan na magkaroon ng bike lanes sa EDSA, Bakit hindi pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pangmatagalan solusyon sa pagbaha. Simple lang ang solusyon, ang pagtatanim ng punongkahoy lalo na sa mga bahaing lugar sa Kalakhang Maynila at mga lalawigan.
Nararapat na maglaan ng pondo rito ang pamahalaan sa pagtatanim ng mga puno. Hikayatin ang ating mga kababayan na maglaan o magtabi ng punla ng mga bungangkahoy at bayaran sila kapag nagsagawa ng tree planting. Bigyan ng insentibo ang mga kababayan nating may bakanteng lote na magtatanim ng mga puno.
Kung meron namang nakalaang punla o binhi ng mga punongkahoy ang DENR, bigyan ng kaukulang insentibo ang mga kababayan nating makikilahok sa tree planting sa mga dam, tabing ilog, mga kalbong kabundukan upang matigil ang pagbaha kapag umaapaw ang tubig mula rito kapag napakalakas ng ulan.
Magsanib puwersa ang DENR, MMDA at DILG sa pagpapatupad ng ganitong programa— ng pagtatanim ng puno sa mga bahaing kalsada, sa EDSA at iba pa. Sa gayun, kung di man maiiwasan ang mga pagbaha’t falshflood, agad itong maampat. Mungkahi ko nga noon na tinalakay na natin sa mga nakaraang labas sa pitak na ito sa ating pahayagan, sa kada 30 metro, may puno sa EDSA at sa mga pangunahing daanan, sa highway at mga kalsadang puwedeng pagtanman ng puno.
Dapat ding magkaroon ng programa ang DENR na paigtingin ang kampanya laban sa mga illegal loggers at panagutin ang mga kompanya ng pagtrotroso na hindi sumusunod sa patakaran. Kung sumusunod naman, nararapat na magtanim sila ng puno sa kanilang konsesyong lugar; sa gayun, ang mapuputol na mga puno ay may kapalit. Sa bawat isang punong mapuputol, sampu ang kapalit.
Natitiyak nating magbubunga ng maganda ang suhestiyon nating ito kung maipapatupad ng husto ng kinauukulan. Bukod sa mapagagand na ang kalidad ng hangin, gaganda pa ang tanawin— ay magkakaroon pa ng pagkain ng mga tao at magkakaroon ng tahanan ang mga ibon. Magiging pamana pa ito sa mga susunod na henerasyon.Adios Amorsekos.
More Stories
MGA BAGYONG PASUGAL SA CAVITE
Mga leader ng bansa dapat mahiya sa mga Pilipino, walang tigil sa bangayan!
Hen. Antonio Luna, Dangal ng Lahing Pilipino