May 6, 2024

DALAGITA ‘GINAPANG’ NG GRAB DRIVER (Habang katabi ang BF na natutulog)

HIMAS-REHAS ang isang 25-anyos na Grab driver matapos ireklamo ng pangmomolestiya sa 17-anyos na dalagita sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat na natanggap ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang mangyari ang insidente ng kahalayan sa tirahan ng dinakip na suspek sa Ablola St. Brgy. Tangos South habang mahimbing na natutulog ang biktimang itinago sa pangalang “Katrina”.

Sa inisyal na imbestigasyon ni Pat. Jenelyn Kiblong ng Navotas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), katabing natutulog ng biktima ang kanyang kasintahan sa loob ng nasabing bahay nang dumating ang suspek.

Dito, nagising ang dalagita nang maramdaman na may humihimas na kamay sa kanyang maselan parte ng katawan habang ang isa niyang kamay na naramdamang nasa kaselanan naman ng inakala niyang kasintahan.

Nang imulat niya ang kanyang mata, nagulat siya dahil hindi ang kamay ng kasintahan ang humihimas sa kanyang kaselanan habang nakalagay naman ang kanyang kamay sa loob ng short pants ng suspek.

Nagsumbong ang dalagita sa kanyang kasintahan at kanilang kinompronta ang suspek bago humingi ng tulong kina Carlos Pabriga at Efren Delos Reyes, kapuwa Barangay Tanod ng Brgy. Tangos South na nagresulta sa pagkakadakip sa Grab driver.

Nasa kostodiya na ng Navotas Police WCPD ang suspek na samsampahan ng kasong Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610.