November 19, 2024

DAGDAG-BENEPISYO NG PHILHEALTH, HINDI SAPAT – SOLON

PINASALAMATAN ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee ang Philippine Health Insurance (PhilHealth) dahil sa positibong tugon nito sa kahilingang itaas sa 30% ang benefit package at coverage na ibinibigay nito sa kanilang mga miyembro.

Pero paglilinaw ni AGRI partylist Rep. Wilbert Lee, bagamat nakalulugod ang anunsyo ng PhilHealth hinggil sa ‘pinalawig’ na serbisyo sa mga miyembrong kinakaltasan ng monthly contribution, higit na angkop isaayos ng naturang ahensya ang mekanismo sa ilalim ng mga benefit packages.

“I welcome the pronouncement of PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr. that they would increase most of its benefit packages in 2024. However, for me, most is not enough; dapat across the board ang 30% increase – ika nga, sanaol,” patuyang pahayag ni Lee.

“Isipin mo magkakasakit ka sa 2024 pero ang tulong na ibibigay sa iyo ng PhilHealth pang 2014 pa ang rate. Ang pamasahe ng jeep noong 2014 ay siyete singkwenta langt. Ngayon P13 na. Ganun kalaki ang pagtaas ng mga presyo,” giit ng Bicolano solon.

Ayon kay Lee, sapat ang kakayahang pampinansyal ng PhilHealth na taasan ang case rate nito ng 20% hanggang 30% kahit sa lahat ng benepisyong ipinagkakaloob sa mga PhilHealth members.

Agad namang sinang-ayunan ni Ledesma ang mungkahi ni Lee na rebisahin ang umiiral na rate na katumbas ng bawat health benefit na ayon sa partylist solon ay hindi na akma sa kasalukuyang panahon.

“Buhay ang nakataya sa desisyon at aksyon ng PhilHealth. It is literally a matter of life and death. Ang mga may kaya naba-bankrupt pag may health crisis, ang mahirap pa kaya?” diin pa ni Lee. “Di na dapat pinagtatalunan yan. Those who have less in life should not lose their lives because they cannot pay for proper medical care. Hindi tama ito. Hindi ito makatarungan. Mayaman, mahirap, lahat may karapatan mabuhay. Winner Tayo Lahat pag sinigurado natin ang karapatan na ito,” pagtatapos ng kongresista.