December 27, 2024

Criminal gang member, 1 pa isinelda sa baril, granada at patalim sa Malabon

HIMAS-REHAS ang dalawang lalaki kabilang ang isang miyembro ng criminal gang matapos mahulihan ng baril, granada at patalim sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek bilang sina Rogelio Santos, alyas “Rommel”, 26, miyembro ng “Salibio Criminal Gang” residente ng Adante St., Brgy. Tañong at Allan Deriada, 40, fish porter ng Chungkang St., Tanza, Navotas City.

Sa report ni Col. Daro kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones Jr, nakatanggap ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Malabon police ng impormasyon mula sa isang Barangay Information Network (BIN) na naispatan ng presensya ng umano’y leader ng Salibio Group sa C4 Road Brgy. Tañong.

Kaagad rumesponde sa naturang lugar ang mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni PLt Richel Sinel subalit, hindi nila nakita ang target ng kanilang warrant of arrest na si certain “Tito Salibio”.

Gayunman, nang paalis na ang mga operatiba ay napansin nila ang isa sa dalawang lalaki na nakaupo sa gilid ng kalsada na may nakasukbit na baril sa kanyang baywang kaya agad silang nilapitan ng mga pulis dakong ala-1:50 ng madaling araw.

Nang kapkapan, nakumpiska kay Santos ang isang cal. 22 revolver na kargado ng limang bala at isang hand grenade habang nakuha naman kay Deriada ang isang improvised bladed weapon.

Kakasuhan ng pulisya ang mga naarestong suspek ng paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions), Violation of RA 9516 (Unlawful Possession of Explosives), and BP 6 sa Malabon City Prosecutor’s Office.