December 25, 2024

COVID-19 VACCINATION PROGRAM, HIHIMAYIN NG SENADO

Nagdesisyon ang Senado na mag-convene bilang Committee of the Whole para magsagawa ng pagdinig ukol sa plano ng gobyerno kaugnay sa pagbili at distribusyon ng bakuna laban sa COVID-19.

Ang hakbang ng Senado ay kasunod ng privilege speech ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan na naghain din ng Senate Resolution 594 na nagsusulong sa pagbusisi ng Senate Committee of the Whole para busisiin ang COVID-19 vaccination program.

Target ng pagdinig na masagot ang napakaraming tanong kung paano mapapabakunahan ng pamahalaan ang publiko laban sa COVID-19 habang ang ibang bansa ay plantsado na ang plano at nagsisimula ng magbakuna.

₱72.5 billion ang inilaang pambili ng COVID-19 vaccine sa ilalim ng 2021 national budget pero ayon sa mga senador hanggang ngayon ay hindi pa rin klaro at tiyak ang magiging hakbang hinggil dito ng gobyerno.

Sa kanyang privilege speech ay iginiit din ni Pangilinan, na huwag namang i-asa na lang ng pamahalaan sa bakuna ang solusyon sa pandemya dahil mahalaga pa rin ang pagpapatupad ng mga polisiya para mapigil ang pagkalat ng virus.