May 18, 2024

Construction worker nagbigti

ISANG 39-anyos na construction worker ang nagpasyang tapusin ang kanyang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa Malabon City, Linggo ng gabi.

Sa imbestigasyon ni PSSg Ernie Baroy at PCpl Archie Beniasan, alas-11:50 ng gabi  nang madiskubre ng kanyang ina ang biktima na si Jobeth Vicente, 39, na nakabigti sa loob ng kanyang kuwarto sa kanilang bahay sa No. 31 Sitio 6, Brgy. Catmon.

Kaagad humingi ng tulong ang ina ng biktima sa kanilang mga kaanak na mabilis namang kinalas sa pagkakabigti subalit, wala na itong buhay kaya’t ipinaalam na lamang ang insidente sa pulisya.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng biktima sa kanyang pagpapakamatay habang naniniwala naman ang ina at ang uncle ng biktima na si Jessie Vicente, 62, na walang naganap na foul play sa insidente

Hindi na rin interesado ang mga kaanak ng nasawi sa isasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at gagawa ang mga ito ng kanilang written affidavit.