January 22, 2025

Consolidation deadline malapit na… TIGIL-PASADA MULING INILUNSAD

Muling nagsagawa ng panibagong tigil-pasada ang PISTON at Manibela ngayong araw, dahil sa hindi pagpapalawig ng April 30 deadline ng PUV consolidation. Ito’y matapos kumpirmahin ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na final na ang April 30 jeepney consolidation. Isinagawa ni Marcos ang anunsiyo sa town hall meeting kaugnay sa trapiko kung saan hindi naimbitahan ang dalawang grupo.

Sa ilalim ng Public Utility Vehicles (PUV) modernization program ng gobyerno, dapat isuko ng mga jeepney operator ang kanilang mga indibidwal na prangkisa at sumali sa isang kooperatiba o korporasyon sa Abril 30 – kung hindi, hindi na sila makakadaan sa kanilang ruta.

Sa loob ng 27 buwan, inaasahang papalitan din ng mga operator ang kanilang mga lumang unit ng “modernong jeepney” na sumusunod sa Philippine National Standard. Maraming operator at drayber ang umalma dahil aabutin ng P2.8 milyon ang presyo ng modern jeepney.

“Hindi ligtas kahit nagpa-consolidate: mababaon sa utang dahil sa sapilitang pagbili ng sasakyan, at dahil hindi makabayad ay makukuha ang prangkisa ng malalaking korporasyon,” ayon sa PISTON.

Maging ang mga commuter ay apektado rin. Maari kasing tumaas P40 ang minimum ng pamasahe dahil struggle sa mga operator ang mataas na monthly loan amortization para sa kanilang mga bagong unit, ayon sa pag-aaral na isinagawa ng UP Center for Integrative and Development Studies.