November 2, 2024

Compound sa Navotas 2 linggong ni-lockdown

Dalawang linggong isinailalim sa lockdown ang isang compound sa Lungsod ng Navotas matapos magkaroon ng apat na residenteng nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, nagsimulang ipatupad ang lockdown sa compound sa Manalaysay St., Brgy. San Roque alas-8:01pm January 25, 2021 hanggang 11:59pm ng February 8, 2021.

Layun nito mapigilan ang hawaan ng virus sa lugar kung saan nakapagtala rin aniya ang lungsod ng13.46% growth rate sa mga kaso nito sa pagitan lamang ng dalawang lingo.

May 13 namang mga close contact na dinala na sa isolation facility ng lungsod.

“Mag-iisang taon na po ang problema natin sa COVID-19 pero di po tayo magsasawang magpaalala na dapat sundin natin ang safety measures: pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng mga kamay, pagdistansya ng 1-2 metro mula sa iba, at pananatili sa bahay hanggang maaari. Sa ating pakikiisa, matatapos din ang pandemya”, paalala ni Tiangco.

Sa ulat ng City Health Office, as of January 25, 2021, isa ang nadagdag na nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod kaya’t umabot na sa 5,581 ang tinamaan ng sakit, 72 dito ang active cases habang nasa 5,336 ang recoveries matapos tatlo ang nadagdag na gumaling, samantalang 173 ang namatay.