
Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) nitong Biyernes na tuluyan nang ibinasura ang petisyong humihiling na ma-disqualify ang Bagong Henerasyon (BH) party-list matapos pagtibayin ng en banc ang naunang desisyon ng First Division.
Sa isang walong-pahinang resolusyon, tinanggihan ng COMELEC en banc ang motion for reconsideration na inihain ng abogadong si Russell Geronimo. Ayon sa resolusyon, wala itong sapat na bagong ebidensya o argumento na magpapabago sa naunang desisyon.
“Ang mga alegasyon sa mosyon ay pawang pag-uulit lamang ng mga puntong tinalakay at pinagdesisyunan na sa naunang kautusan. Walang bagong matibay na ebidensiyang iniharap upang baguhin ang mga konklusyon,” nakasaad sa desisyon.
Binigyang-diin pa ng COMELEC na ang First Division ay tama sa pagbasura ng kaso dahil sa kakulangan sa pagsunod sa mga itinatakdang rekisito, kabilang na ang kabiguang bigyan ng kopya ng petisyon ang respondent at kawalan ng kalakip na Certificate of Nomination at Certificate of Acceptance of Nomination.
“Ang pagbibigay-daan sa apela sa ganitong kalagayan ay tila pagpapahintulot sa kapabayaan sa pagsunod sa mga alituntunin ng Komisyon,” dagdag pa ng COMELEC en banc.
Ayon kay COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco, maipoproklama na ang BH party-list kapag naging pinal at may bisa na ang desisyon.
Dagdag niya, may karapatan pa rin ang petitioner na umapela sa Korte Suprema. Ngunit kung hindi ito makakakuha ng Temporary Restraining Order (TRO), awtomatikong magiging final and executory ang desisyon ng COMELEC makalipas ang limang araw.
Ang BH party-list ay kabilang sa mga grupong lumahok sa nakaraang halalan at humihiling na mabigyan ng puwesto sa Kongreso sa ilalim ng party-list system.
Sa pinakahuling desisyon ng COMELEC, malinaw ang mensahe: hindi kinukunsinti ang kapabayaan sa proseso, at tinitiyak ang patas at makatarungang pagdinig sa mga electoral complaint.
More Stories
Patay na ba ang Fourth Estate?
QC bukas na muli sa mga bagong iskolar para sa SY 2025–2026
Mga senador, suportado ang pagsuspinde ni PBBM sa EDSA rehab