May 18, 2024

COCO MARTIN AT IBA PANG CAST NG FPJ’s BATANG QUIAPO DIMUNOG SA MASSKARA FESTIVAL

NAKABIBINGING sigawan at hindi mahulugang karayom ang mga kababayan nating nanood sa stars ng FPJ’s Batang Quiapo sa Masskara Festival 2023 Kapamilya Karavan dito sa Bacolod nitong Sabado ng gabi.

Umabot sa higit sa sampung libong katao ang naitala ng management ng Ayala malls na nakisaya sa show.

Pinakilig pa ng husto ng magka-loveteam na sina Tanggol(Coco Martin) at Bubbles(Ivana Alawi) ang buong Ayala malls sa kanilang duet song.

Bago ang duet song nina Tanggol at Bubbles, nakipag-rakrakan muna si Coco sa dalawa pang rappers na sina Bassilyo at Smugglaz.

Mas nayanig ang buong mall nang umakyat sa stage ang big stars na sina Supremo(Senator Lito Lapid) at Amanda(Lorna Tolentino) o ang trending tandem na kilala sa #PriManda.

Sa nasabing show, taus-pusong nagpasalamat ang cast ng Batang Quiapo sa pamumuno ni Senador Lapid, Lorna, Coco, Ivana, Bassilyo at Smugglaz sa todo suporta ng mga Bacolodnons sa Batang Quiapo.

“Hanggang sa muling pagkikita, mga pinalangga kong Bacolodnon at Negrosanon. Salamat sa mainit na pagtanggap ninyo at sa walang puknat na pagsuporta sa aming lahat. Maraming salamat, Bacolod City sa walang sawang panonood sa FPJ’s Batang Quiapo,” ayon kay Supremo

Nagpasalamat din ang grupo kay Bacolod City Mayor Albee Benitez sa matagumpay at masayang selebrasyon ng Masskara festival.