December 23, 2024

CIDG INUTUSAN NI ELEAZAR NA IMBESTIGAHAN ANG BENTAHAN NG VACCINE SLOTS

Inutusan na ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar ang pamunuan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pamumuno ni PMGen. Albert Ignatius Ferro, na imbestigahan ang mga kumakalat na balita at nag-viral sa social media na meron ilan mga tao ang tumatanggap ng “under the table” o mga nagbebenta ng mga vaccine slots sa iba’t ibang lugar ng Local Government Unit o LGU’s at ibinebenta ang mga government-purchased na Covid-19 vaccines sa halagang P10,000. hanggang P15,000. Depende sa tatak ng bakuna.

Dahil sa mga nakuhang impormasyon ng ganitong modus ay agad inutusan ni Eleazar ang CIDG ayon na rin umano sa direktiba ni DILG Sec. Eduardo Año.

“Tutugisin natin para panagutin sa batas ang mga pasimuno at gumagawa ng ganitong modus at Iligal po ang pagbebenta ng COVID vaccine na nagawaran lamang ng Emergency Use Authorization o EUA ng ating Food and Drug Administration.  Nananatiling bawal ang pagbebenta ng mga bakuna kontra COVID dito sa atin, ayon na rin sa advisory ng FDA at ng National Task Force against COVID-19, Merong espesyal na lugar sa impiyerno ang mga ganitong uri ng tao pero ngayon pa lang, gagawin natin ang lahat para mapanagot sila sa kalokohang ito, Ang mga bakuna ay donasyon at binili ng ating pamahalaan para ibigay ng libre sa ating mga kababayan. Ibayong hirap ang pinag-daanan natin para makakuha tayo ng bakuna laban sa COVID kaya hindi katanggap-tanggap na pagkakitaan ito,” Babala ni leazar.

Pinayuhan din niya ang publiko na huwag magbabayad ng kahit isang sentimo para sa pagpapa-bakuna. Ang kailangan lamang aniya ay magparehistro at hintayin ang kanilang tamang oras dahil meron mga priority list na sinusunod ang ating national government. Umapela rin ito sa publiko na agad ireport sa mga awtoridad ang sinuman na nagbebenta ng Covid-19 vaccines o vaccination slots at puwedeg itawag sa PNP pamamagitan ng E-Sumbong complaint monitoring and referral system. (KOI HIPOLITO)