
angad ni knockout artist Christian Araneta na mapasama sa hanay ng mga aktibong Filipino world champions habang siya’y naghahanda para sa kanyang laban kontra Thai fighter Thanongsak Simsri para sa bakanteng International Boxing Federation (IBF) light flyweight title sa Ota City General Gymnasium sa Japan ngayong Huwebes, Hunyo 19.
Kapwa pumasa sa 108-pound weight limit sina Araneta at Simsri sa official weigh-in nitong Miyerkules, Hunyo 18.
Itataya ni Araneta ang kanyang lakas at tapang sa isang 12-round championship bout para makasama sa elite list ng mga kampeon gaya nina Pedro Taduran at Melvin Jerusalem (minimumweight) at Nonito Donaire Jr. (interim bantamweight).
Hindi biro ang haharaping kalaban ng tubong Mandaue City, Cebu—si Simsri ay may kartadang 38 panalo, 1 talo, at 34 knockouts, kabilang na ang 14 sunod-sunod na panalo, huli sa mga ito ay isang split-decision kontra sa dating Japanese champion Masataka Taniguchi, na siyang nagtulak sa kanya sa No. 2 contender spot ng IBF.
Sanay na rin ang Thai fighter sa mga Pinoy kalaban matapos nitong talunin ang apat na Pilipino, kabilang ang rising stars na sina Miel Fajardo at John Paul Gabunilas.
Ngunit hindi magpapadaig si Araneta, na may sariling kahanga-hangang rekord na 25 panalo, 2 talo, at 20 knockouts, at kasalukuyang No. 1 contender ng IBF sa light flyweight division.
Bumalik si Araneta sa aksyon noong Disyembre matapos ang mahigit kalahating taong pahinga dahil sa injury sa balikat. Sa kanyang pagbabalik, pinatumba niya sa unang round ang kapwa Thai na si Songchai Songklod.
Kasama ni Araneta sa kanyang paghahanda sa Japan ang kanyang coach na si Julius Erving Jungco at kilalang sports dietician na si Jeaneth Aro.
Lalaban si Araneta hindi lang para sa titulo, kundi para sa bansa—sa pag-asang madagdagan ang bilang ng mga aktibong Pinoy na nagwawagayway ng watawat sa entablado ng pandaigdigang boksing. RON TOLENTINO
More Stories
‘Protect Your Money’ campaign muling inilunsad vs scam
Delivery driver timbog sa ₱272K halaga ng shabu sa Pasig
Netherlands tinanggihan ang asylum bid ni Harry Roque – DOJ