MULING ipinamalas ng Pilipinas ang husay sa bilyar matapos magharap sa all-Filipina finals sina Chezka Centeno at Rubilen Amit sa WPA Women’s World 10-Ball Championship na ginanap sa Bali, Indonesia nitong Linggo, Oktubre 12.
Sa isang kapanapanabik na bakbakan, nanaig si Centeno laban kay Amit sa iskor na 4-1, 2-4, 4-2, 3-4, 4-2, upang muling makuha ang korona na una niyang napanalunan noong 2023.
Sinamantala ni Centeno ang isang crucial error ni Amit sa huling rack ng ikalimang set upang tuluyang iuwi ang ika-apat na world title ng Pilipinas sa naturang torneo.
Sa edad na 26, si Centeno ay isa na ngayong dalawang beses na kampeon sa mundo, kasunod ni Amit na unang naghari noong 2009 at muling naging kampeon noong 2013. Ang kanilang sagupaan ay itinuturing na kauna-unahang all-Pinay final sa kasaysayan ng kompetisyon.
Bagama’t nakapagsimula si Centeno ng malakas, hindi basta bumigay si Amit na nakahabol pa sa iskor na 2-3 matapos magkamali ng tatlong foul si Centeno sa ikalimang rack. Gayunman, nasira ni Amit ang kanyang break sa sumunod na rack, dahilan para makuha ni Centeno ang pagkakataon na tapusin ang laro at selyuhan ang panalo.
Ang kampeonato ay may kalakip na $50,000 (humigit-kumulang P2.9 milyon), habang $25,000 naman ang premyo ni Amit bilang runner-up.
Matapos ang laban, nagyakapan ang dalawang Filipina cue artists bilang tanda ng respeto at pagkakaibigan.
“She is a great player. I’m just lucky,” ani Centeno matapos tanghaling kampeon.
Ang panalong ito ay nagsilbing matamis na pagbawi para kay Centeno matapos siyang makuntento sa silver medal sa World Games sa China noong Agosto, kung saan natalo siya kay Han Yu sa finals.
Bago ang championship match, tinalo ni Centeno ang defending champion na si Kristina Tkach ng Russia (3-1), sinundan ng panalo kontra kay Wang Wan-Ling ng Taiwan (3-2), at isang sweep laban kay Liu Shasha ng China (3-0) sa semifinals.
Samantala, kahit nabigo, pinuri pa rin si Amit, 44, sa kanyang patuloy na pambihirang porma at dedikasyon, matapos siyang maging kampeon sa WPA Women’s World 9-Ball Championship noong nakaraang taon. (RON TOLENTINO)
