Ipinag-utos ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman at CEO Richard J. Gordon ang pagpapatupad ng heightened alert at mabilisang responde sa ilang bahagi ng Mindanao matapos magdulot ng matinding pagbaha at landslide ang shear line ngayong umaga, Pebrero 20, 2026.
Naapektuhan ng masamang panahon ang mga komunidad sa Surigao del Sur, Davao de Oro, at Davao Oriental, kung saan agad na idineploy ang mga RC 143 volunteers upang asistihan ang mga pamilyang na-trap sa kani-kanilang mga tahanan.
Sa City of Bislig, umabot sa bewang hanggang dibdib ang lalim ng baha na nagresulta sa malawakang evacuation operations upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Sa Barangay Rizal, Monkayo, Davao de Oro, isang kalunos-lunos na landslide ang naganap kung saan ang PRC Emergency Response Unit ay nakarekober ng tatlong nasawi habang patuloy ang assessment sa lugar para sa seguridad ng mga responders.
Samantala, iniulat din ang pagbaha sa Nabunturan kung saan labing-apat na indibidwal ang agad na inilikas bilang precautionary measure.
Kasabay nito, nagtayo na ang PRC ng mga welfare desk sa mga evacuation centers upang magbigay ng humanitarian support at tracing services para sa mga apektadong pamilya.
Sinimulan na rin ng Davao de Oro Chapter ang pamamahagi ng hot meals sa Basak at Magsaysay Evacuation Centers, habang nagsasagawa rin ng hygiene promotion sessions para sa mahigit 160 indibidwal.
Binigyang-diin ni Chairman Gordon na ang mabilis na pagkilos ng Red Cross ay bahagi ng kanilang pilosopiya na hindi na naghihintay na malunod sa sakuna ang mamamayan bago kumilos.
Ayon sa kanya, ang kanilang mga volunteers at response teams ay sinanay na kumilos nang agaran upang magligtas ng buhay at magbigay ng relief sa mga pamilyang nasa gitna ng panganib.
Siniguro naman ni Secretary General Dr. Gwen Pang na ang lahat ng chapters ay fully mobilized at nakikipagtulungan sa mga lokal na otoridad upang matiyak na walang pamilyang mapababayaan habang nagpapatuloy ang masamang panahon.
Nanatiling naka-standby ang mga kagamitan, sasakyan, at karagdagang suplay ng Red Cross habang patuloy ang pagbabantay sa sitwasyon sa Mindanao.
