May 17, 2024

Cellphone technician timbog sa droga

SWAK sa kulungan ang isang cellphone technician matapos maaresto sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga pulis sa Caloocan City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Dario Menor ang naarestong suspek na si Abdul Raffy Bungcag, 28, tubong Marawi City at residente ng Phase 4, Package 9, Brgy. 176, Bagong Silang.

Sa ulat, bandang alas-5:30 ng umaga nang isagawa ng operatiba ng SIB at SDEU sa pangunguna ni P/Maj. Raymond Nicolas at P/Capt. Deo Cabildo ang operasyon laban sa suspek malapit sa kanyang bahay.

Nagawang makabili ng isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer ng isang sachet ng shabu sa suspek kapalit ng P1,000 marked money at nang makabili ng droga ay agad dinamba ng mga operatiba si Bungcag.

Nakumpiska sa suspek ang umaabot sa 10 gramo ng shabu na tinatayang nasa P68,000 ang halaga at buy-bust money.