January 23, 2025

CDC maglulunsad ng ‘State of the Art’ online exhibit

CLARK FREEPORT – Patuloy ang Clark Development Corporation (CDC) sa pagsasaliksik ng mga hakbang upang maitaguyod ang sining at turismo sa Clark sa gitna ng pandemya – sa oras na ito – ay sa pamamagitan naman ng paglulunsad ng kauna-unahan nitong ‘State of the Art’ online exhibit.

Ang online exhibition ay binubuo ng 45 natatanging artworks na buong ipinagmamalaki ng 25 artist na nakabase sa Pampanga, na lahat ay ipinost sa designated website na maaring bisitahin sa https://clarkmuseum.wixsite.com/stateoftheart.

Nakahanap ng magandang pagkalilibangan ang mga nasabing artist habang nasa quarantine period sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanilang sarili gamit ang kanilang painting, kung kaya nalikha ang “State of the Art.’

Ayon sa isang Kapampangan artist na si Dodgie Aguinaldo, naging therapy na sa kanya ang sining upang maibsan ang kanyang pagkabalisa dala ng pandemic.

 “Art is my therapy. I always make colorful artworks that reflect positivity. Since we are still in the ‘dark’, the pop of colors will bring joy to those who will see it,” saad niya.

Ang inspirasyon sa likod ng likhang sining ay ang temang “We heal as one,” na naglalarawan sa pang-araw-araw na pamumuhay sa panahon ng quarantine.

Kaugnay nito, hinihikayat ng naturang online platform ang lahat na manati sa bahay kung saan maari nilang bisitahin, makita at maengganyo ang virtual gallery ng libre habang komportable silang nasa tahanan.

Ipinapakita lamang ng ‘State of the Art’ kung papaano ginagamit ng mga Pinoy ang kanilang talento at husay upang makabuo ng isang bagay na maaring mapagkunan ng pag-asa, inspirasyon at lakas sa panahon na mahirap ang sitwasyon.

Sa mga interesado na bumili ng kanilang obra mula sa gallery ay mangyari lamang na mag-fill up ng online form sa https://clarkmuseum.wixsite.com/stateoftheart bilang suporta sa ating mga local artist.