November 3, 2024

CDC EXCITED NA MAG-HOST SA FIBA ASIAN CUP SA CLARK


CLARK FREEPORT – Nasasabik at nagagalak ang Clark Development Corporation (CDC) matapos mapili ang nasabing Freeport na mag-host para sa paparating na FIBA Asian qualifiers sa Hunyo 16 hanggang 20, 2021.

Ayon sa state-owned corporation sa pamumuno ni President at CEO Manuel R. Gaerlan, magpapalakas sa posisyon ng Clark ang pagtatanghal ng international competition dito bilang isang natatanging Sports Tourism destination hindi lang sa bansa kundi sa buong Asia Pacific Region.

Ipinagmamalaki ng Freeport na ito ang isang kamangha-manghang karanasan nang mag-host ito sa Philippine Basketball Association (PBA) bubble competition na ginanap noong nakaraang taon at umaasa na ganito rin ang maipadamang karanasan sa mga delegado ng FIBA Asian Cup.

Organisado ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), ang FIBA Asian Cup ay gagamit ng diskarteng sports quarantine bubble na inaprubahan ng Inter Agency Task Force for Emerging Infectious Disease (IATF-EID). Binigyan na ng ‘go signal’ ng IATF ang SBP noong Mayo 6 sa ilalim ng IATF Resolution No.114.

Iba’t ibang koponan mula sa siyam na bansa kabilang ang Pilipinas, Indonesia, Thailand, Korea, Chinese Taipei, Japan, China, Hong Kong at Guam ang magtatagisan ng galing sa nasabing kompetisyon. Inaasahang sa Hunyo 13 darating ang mga kasali na kalahok mula sa ibang bansa.

Mahigpit din na ipatutupad ang health at safety protocols sa buong hosting ng mga laro. Nakipag-ugnayan na rin ang CDC sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA), Metro Clark Local Government Units (LGUs), SBP, Philippine National Police, Office of the Civil Defense (OCD-R3) at venue representatives upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng lahat ng partisipante at stakeholders.

Tutuloy naman ang mga player, FIBA at SBP officials sa Quest Hotel-Clark, habang ang media personnel, utility partners at ancillary staff ay mag-i-stay sa Lohas Hotel. Habang sa CDC guest houses ang ibang local staff.

Magiging venue ng games at practice sessions para sa international competition ang Angeles University Foundation – Sports and Cultural Center (AUF-SSC).

Ayon sa CDC – Tourism Promotions Division (TPD), isasagawa ang mga pagpupulong at mag-iinspeksyon ang iba’t ibang komite sa mga darating na araw para maisapinal ang mga plano.

Dahil sa kanilang state-of-the-art facilities at naangkop para sa iba’t ibang sports activities, napili rin ang Clark ng iba’t ibang sports organizations bilang kanilang venue para sa buble training, events at scrimmages.

Kabilang na nga rito ang bubble practice session ng NLEX Road Warriors, Philippine National Volleyball Federation para sa Asian Women’s Volleyball Championship (bubble setup), 2021 Swimming National Selection Meet (bubble setup), at National Trials for Road Events ng piling representatives ng Pilipinas sa 31st Sea Games sa Hanoi at iba pa.

Kinilala ang Clark Freeport Zone ng Philippine Sports Tourism Awards (PSTA) bilang Sport Tourism Destination of the Year para sa taong 2015, 2018 at 2019.