WELCOME para Malacañang ang alok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga simbahan ng Katoliko bilang COVID-19 vaccination sites.
Sa press briefing ng Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na bagama’t nakapagtalaga na ang Department of Health (DOH) ng mga vaccination sites, na maganda pa rin kung mas maraming pasilidad.
“Kumpleto po ang plano ng DOH at ng ating National Task Force (NTF) kung paano mararating ang mga Pilipino kahit nasaan man sila…Although we welcome the offer of the Catholic church dahil siyempre po , the more facilities we have, the better,” ayon kay Roque.
Inilarawan din ni Roque na mabuti ang layunin ng ginawang deklarasyon ng CBCP executives na handa silang magpabakuna sa harap ng publiko upang tumaas ang kumpiyansa sa mga bakuna, ngunit iginiit na dapat sundin ang listahan ng prayoridad na bakuna ng pamahalaan.
“I know it’s well-meaning pero I will leave the matter po the NTF at ang sabi ko nga po unahin natin yung order of priorities natin,” saad niya.
Nabanggit din niya na kinakailangan ng healthcare professional na mauna sa vaccine priority list ng pamahalaan dahil sila ang dalubhasa pagdating sa mga bakuna.
“Pag nakita nila ang mga doktor, mga nurses ay nagbabakuna, pagkakatiwalaan ng taongbayan naman ‘yan e. Of course, kahit mga celebrities, mga pari bakunahan, mas importante pa rin na makita nila yung nakakaintindi ng bakuna na unang nababakunahan,” dagdag niya.
Sa naturang listahan, pangalawa sa healthcare workers ang mga indigent senior citizen, na sinundan ng iba pang senior citizen, mahihirap na populasyon, at mga unipormadong tauhan.
Sinabi ni Roque na mas mahalaga na mapabuti ang “Explain, Explain, Explain” campaign ng pamahalaan upang manumbalik ang tiwala ng publiko tungo sa vaccination program.
“We all want to boost vaccine confidence, but I think the way to do it is through education which is what we do,” wika niya.
Nangako rin siyang aanyayahan ang higit pang mga eksperto sa kalusugan at agham na kontrahin ang mga anti-vaxxer o yaong hindi sumasang-ayon sa paggamit ng mga bakuna. “Mula po ngayon, palaging meron kaming eksperto na magsasabi at mag-e educate sa ating publiko tungkol sa bakuna,” banggit pa niya.
Sa magkahiwalay na press conference, inanunsiyo ni CBCP President Archbishop Romulo Valles, na nagpakasunduan ng mga biship na ialok ang mga pasilidad ng simbahan para gawing vaccination centers o facilities kaugnay sa vaccination program.
Ang ilang mga executive ng CBCP ay nagsabing handa silang magpabakuna laban sa Covid-19 sa publiko upang maibsan ang takot sa mga kukuha ng bakuna.
More Stories
AYUDA HINDI NAGAGAMIT SA POLITIKA – DSWD CHIEF
VP SARA IPATUTUMBA MGA MARCOS (PSC nakaalerto)
INA, ANAK NA MAY KAPANSANAN PINAGPAPALO SA ULO NG DRUG ADDICT, PATAY