November 3, 2024

Cayetano, Velasco nagkaayos na | GIYERA SA KONGRESO WINAKASAN

TULUYAN nang natapos ang hidwaan sa pagitan nina dating Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at House Speaker Lord Allan Velasco matapos makipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Martes.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, napagkasunduan ng dalawa na magtulungan upang isulong na maipasa ang 2021 budget.

“In the course of the meeting, the two representatives agreed to work together as one majority in order to ensure the timely passage of the 2021 budget and other priority legislation of the Duterte administration,” ayon kay Roque.

Ipinatawag ni Duterte ang dalawang magkaribal sa kaparehong araw kung saan pinagtibay ang pagkakahalal kay Velasco bilang House speaker.

Sinabi naman ni Senador Bong Go na naayos na ang gusot sa pagitan ng dalawang mambabatas at kinausap sila ni Pangulong Duterte na magkaisa para maipasa ang budget sa takdang panahon para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.

“All is well. Parang tatay si tatay Digong kinausap ang mga anak niya at pinayuhan na magkaisa. One majority and pass the budget on time para sa sambayanang Pilipino,” ani Go.

Kasama sa pulong ng Pangulo kina Velasco at Cayetano sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Senador Go.