May 18, 2024

Catriona Gray nagpasaklolo sa NBI dahil sa kumakalat na ‘nude photo’

DUMATING si Miss Universe 2018 Catriona Gray sa National Bureau of Investigation (NBI) upang pormal na magsampa ng kaso laban sa nag-upload ng pekeng hubo’t hubad na larawan niya na kumakalat ngayon sa social media.

Sinasabing pumunta roon ang Filipina-Australian beauty queen bandang alas-1:00 ng hapon para kitain si NBI deputy director Vicente de Guzman, kaugnay ng posibleng kaso laban sa malisyosong nag-upload ng larawan, bagay na minanipula diumano gamit ang editing software na Photoshop.

Sa dalawang litratong magkahiwalay, makikitang walang saplot pang-itaas ang isang babae na may mukha ni Catriona habang nakatingin sa salamin.

Ang ikalawa naman, hubong larawan na ipinakikita lang ang pang-ibaba. Hindi kita sa ikalawang larawan ang mukha ni Cat.

Hiniling ni Gray sa NBI na imbestigahan at tukuyin kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat ng sinasabing larawan niya,

Umaasa si Gray na mabibigyan ng hustisya at mapatawan ng parusa sinuman ang nasa likod ng paninira laban sa kanya.