Tiniyak ng apat na alkalde ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) sa kani-kanilang nasasakupan na magkakaroon na ng bakuna para sa Covid-19 na magagamit sa kanila simula sa ikalawang quarter ng taon.
Ito’y, matapos sabihin nina Mayors Oscar Malapitan (Caloocan), Antolin Oreta III (Malabon), Toby Tiangco (Navotas) at Rex Gatchalian (Valenzuela) na gumawa na sila ng kasunduan sa British-Sweden multinational pharmaceutical company, AstraZeneca para sa pagbili ng bakuna sa Covid-19.
Ayon kay Malapitan, hindi bababa sa 600,000 doses ang bibilhin ng Pamahalaang Lungsod sa AstraZeneca bilang bahagi ng Covid-19 vaccination program ng lungsod.
Sinabi naman ni Oreta na ang Malabon ay naglaan din ng paunang halaga na P150-milyon sapagkat ito rin ang tiniyak ng parehong pharmaceutical company para sa bakuna sa Covid-19.
Sa Navotas, lumagda na rin Mayor Toby Tiangco sa kasunduan sa AstraZeneca nitong Enero 10.
“Pinirmahan po natin kahapon ang kasunduan para makabili po tayo ng 100,000 doses ng bakuna laban sa COVID-19 sa AstraZeneca pharmaceutical company,” ayon sa alkalde.
Paliwanag ni Tiangco, dahil dalawang dosage ang kailangan ng bawat tao, 50,000 Navoteño ang unang mabibigyan ng bakuna na inaasahang darating sa ikalawang bahagi ng 2021.
Aniya, inaprubahan ng city council ang paglabas ng P20-milyon para sa layuning ito.
Muling pinaalalahanan ng alkalde ang nasakaupan na manatiling maingat at sundin ang safety protocols habang hinihintay ang bakuna.
“Good news! Valenzuela City signs a deal with AstraZeneca Pharmaceuticals Philippines for the advance purchase of 640,000 AstraZeneca vaccine doses” pahayag naman ni Mayor Gatchalian sa kanyang FB page.
Ani Gatchalian, inihahanda na nila ngayon ang vaccine roll out plan ng lungsod upang maging maayos na ang distribusyon ng bakuna kapag nagsimula na itong dumating.
Nasa 320,000 mga indibidwal ang mababakunahan, na 70 porsyento ng target na populasyon ng lungsod (hindi kasama ang 18 taong gulang pababa).
Nilinaw ng CAMANAVA Mayors na ang kasunduan na nilagdaan nila sa AstraZeneca ay aprubado ng Inter-Agency Task Force at Food and Drug Administration.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA