January 22, 2025

CALOOCAN, MALABON, NAVOTAS AT VALENZUELA, NAG-UWI NG SEAL OF GOOD LOCAL GOVERNANCE

NAG-UWI ng parangal na Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela sa ginanap na awarding ceremony sa Manila Hotel.

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang kanyang mainit na pagbati sa mga awardees, “Congratulations sa lahat ng awardees. Make this a symbol that you ran a good government – you ran a clean government and an effective government.” aniya.

Ang Caloocan City ay ang pangalawang local government unit na nakatanggap ng walong magkakasunod na SGLG mula nang simulan ng DILG ang programa.

Ito naman ang ikalawang SGLG na natanggap Lungsod ng Malabon sa panahon ng administrasyon ni Mayor Jeannie Sandoval.

“Ang ikalawang SGLG na ito sa ating termino ang nagpapatunay na hindi tayo tumutigil sa pagbuo pagbibigay ng dekalidad na programa at serbisyo para sa ating mga kapwa Malabueño. Layunin natin na mas gawing epektibo pa ang mga programang mayroon tayo para kaligtasan, kapakanan, kabuhayan, at paglinang ng kakayanan at talento ng ating mga kababayan,” pahayag ni Mayor Jeannie Sandoval.

Tinanggap ni Mayor Jeannie ang parangal , kasama sina DILG-Malabon Director Jess Marie Acoba, City Administrator Dr. Alexander Rosete, at City Planning and Development Department Officer-in-Charge Ms. Shela Cabrera.

Samantala, ito naman ang ika-anim na SGLG na nasungkit ng Navotas City mula sa DILG kung saan tinanggap ni Mayor John Rey Tiangco, kasama sina Vice Mayor Tito Sanchez at DILG Navotas City Director Jenifer Galorport ang parangal.

“Earning the Seal of Good Local Governance six times is proof that we can achieve the highest standards of public service as long as we work together and remain united. We are deeply honored and humbled by this recognition, as well as the trust and confidence our people have placed in our leadership,” ani Mayor Tiangco.

“Ang karangalang ito ay alay natin sa bawat Navoteño na naging katuwang namin sa pagbuo ng isang maunlad at masayang Navotas,” dagdag niya.

Habang ito naman ang ikalawang SGLG mula sa DILG na nakamit ng Lungsod ng Valenzuela sa pamumuno ni Mayor WES Gatchalian.

Kinilala ni Mayor WES ang lahat ng mga department head at mga empleyado ng city hall na nagsumikap hindi lamang para makuha ang selyo kundi palaging ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya upang mapagsilbihan ang mga Valenzuelano.

Aniya, ang pagkilalang ito ay isang patunay ng dedikasyon ng Pamahalaang Lungsod sa paghahatid at pagtataguyod ng mabuting pamamahala, integridad, at namumukod-tanging serbisyo publiko sa lahat ng oras para sa bawat Pamilyang Valenzuelano.

Ang mga tatanggap ng seal ay kailangang pumasa sa pagtatasa sa lahat ng sampung lugar ng pamamahala tulad ng Financial Administration and Sustainability; Disaster Preparedness; Social Protection and Sensitivity; Health Compliance and Responsiveness; Sustainable Education; Business Friendliness and Competitiveness; Safety, Peace and Order; Environmental Management; Tourism, Heritage Development, Culture and Arts; and Youth Development.

Ang mga SGLG awardees ngayong taon ay pinagkalooban din ng incentive fund subsidy na nagkakahalaga ng P2 milyon. (JUVY LUCERO)