January 24, 2025

Building 4 ng NavotaAs Homes-2, sinailalim sa 2 Linggong lockdown


PINIRMAHAN ni Mayor Toby Tiangco ang Executive Order No. TMT-046, series of 2020, na nagtatakda ng lockdown sa Building 4 ng NavotaAs Homes-2 sa Brgy. Tanza 2 mula 6 September, 5:01am, hanggang 19 September, 11:59pm.

Ayon sa tala ng City Health Office, nitong Agosto, 25 residente ng nasabing gusali ang kumpirmadong positibo sa COVID-19. Dahil dito, kailangan ng lockdown para maiwasan ang pagkalat pa ng virus.

Lahat ng mga residente ng Building 4 ay dapat manatili sa bahay. Lahat din ay kailangan sumailalim sa swab test. Sinumang magpositibo ay dadalhin agad sa Community Isolation Facility.  Bibigyan din ng relief packs ang mga miyembro ng kanilang pamilya na maiiwan sa bahay.

Samantala, ang mga may trabaho o negosyo (essential worker) na exempted ng IATF ay makakapasok lamang sa trabaho kapag nagnegatibo na sila sa swab test; at may dala silang valid company ID o certificate of employment.

https://www.facebook.com/TiangcoToby/posts/3295067610583632

Paalala ni Mayor Tiangco, kapag papasok sa trabaho, kailangan nakasuot sng mask na natatakpan ang ilong at bibig, sumusunod sa 1-2 metrong social distancing, hindi namamalagi sa matataong lugar, at palaging naghuhugas o nag-aalkohol ng mga kamay.

“Pababa na ang mga kaso ng COVID-19 sa ating lungsod. Ngunit kailangan pa rin ng pagsasakripisyo para mas lalo pa itong bumaba. Hinihingi po namin ang iyong lubos na suporta at kooperasyon. Pakikiisa ang tatapos sa pandemya” pahayag ni Mayor Tiangco. (JUVY LUCERO)