November 24, 2024

‘BOY MUSLIM’ ARESTADO SA P68M SHABU SA CAVITE

DASMARIÑAS CITY, CAVITE – Bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng PNP Drug Enforcement Group Special Operation Unit (PNPDEG-SOU), PDEA4A, Dasmarinas City police station, Cavite Police Provincial Office sa pangunguna ni PCol. Marlon R. Santos at ng Bureau of Customs CIIS ang isang miyembro ng sindikato na nagpapakalat ng iligal na droga noong araw ng Lunes sa Mob St., Town and Country Homes Subdivision sa nasabing bayan.

Kinilala ang suspek na si Michael Lucas, 35, alyas “Boy Muslim”, residente sa parehong lugar at higit dalawang taon ng nasa negosyo ng iligal na droga na nagpapakalat sa lugar tulad sa Region 3, NCR, Mindanao, at iba pang mga karatig na probinsya.

Ayon sa report na ipinadala ni PLtCol. Glenn C. Gonzales, ang team leader ng PNPDEG-SOU 16 sa Camp Crame, na nanguna sa anti-illegal drugs operation,  nakipagtransaksyon ang isang pulis na undercover agent bilang poseur buyer sa suspek para bumili ng droga at nang magkaabutan na ng droga at pera ay agad na inaresto ang suspek.

Nakuha sa posisyon ng suspek ang sampung kilo ng mga pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng hindi bababa sa S P68 milyon, 3 digital weighing scale at mga ID’s.

Sinasabing ang suspek ay kumukuha ng droga at nakontak sa mga Chinese national na mga nakakulong sa Muntinlupa Bilbid Prison na kayang magbagsak ng hanggang 10-15 kilos ng shabu sa iba’t ibang lugar.

Nakakulong na ngayon sa opisina ng PNPDEG sa Camp Crame ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5 (Selling) at Sec. 11 (Possession) art. 2 ng RA 9165 of Dangerous Drugs Act of 2002 na walang inirekomendang piyansa. (KOI HIPOLITO)